Hindi lang pundasyon ng komunikasyon ang mga salita. Hinuhubog din nito ang isang reyalidad ng lipunan. Ang anomang salita na nabubuo bilang pahayag ay magbubunga ng isang pananaw na makakabuti o makakapinsala sa iba.
Gaya nitong pagpasok ng Marso, kung kailan ipinagdiriwang ang Women’s Month, bumungad agad ang isang kahindik-hindik na katotohanan: talamak pa rin ang kawalan ng respeto sa kababaihan at ang mababang pagtingin sa kanila ng lipunan.
Matatandaang sa gitna ng manifestation ni Quezon City 4th District Rep. Jesus "Bong" Suntay sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, ibinahagi niya ang isang personal na halimbawang tumukoy kay “It’s Showtime” host Anne Curtis.
Anang kongresista, “Minsan nasa Shangri-La ako. Nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari.”
“Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” dugtong pa niya.
Binanggit ito ni Suntay bilang analohiya sa pakikilahok umano ng Bise Presidente sa mga rally at sa mga pahayag nito tungkol sa pagiging “designated survivor.”
Pero hindi pa rito natapos ang lantarang pambabastos at panghahamak sa ilang babae. Nakatanggap ng batikos si Sen. Jinggoy Estrada matapos niyang magbitiw ng tila wala sa lugar na biro sa Gilas Pilipinas Women prospect na si Elizabeth Jeanette Means.
Maki-Balita: Sen. Jinggoy, kumambyo sa pagrereto sa prospect Gilas player kay Sen. Kiko
Bukod dito, kinatigan din ni Atty. Ferdinand Topacio ang pahayag ni Suntay laban kay Anne. Saka tahasang inamin na pinagnasahan umano niya noon si Gabriela Women’s Partylist Rep. Sarah Elago.
Kaugnay na Balita: Atty. Topacio kinatigan si Suntay: 'May nakita kang babae na gusto mong halayin, 'di kasalanan 'yon!'
Kaugnay na Balita: Atty. Topacio, inaming pinagnasaan nang maamoy noon si Rep. Sarah Elago!
Inakusahan din niya ang aktres at kapatid ni Anne na si Jasmine Curtis-Smith. Aniya, layunin umano talaga nito na magbalandra ng bikini pictures sa social media upang pagnasahan ng publiko at sumikat.
Kaugnay na Balita: Atty. Topacio bumanat kay Jasmine: 'Ba't ka nagpo-post ng bikini pictures, 'di ba para pagnasahan?'
Responsable ang mga salita ni Suntay at ng iba pang kagaya niya sa paglikha ng lipunang inilalagay ang kababaihan sa bingit ng panganib. Ngunit ang magandang balita, maaari itong labanan sa pamamagitan din ng mga salita.
Dito papasok ang papel ng panitikan bilang lunas sa namamayaning misogonismo at seksismo.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ipinaliwanag ng manunulat na si Beverly Wico Siy kung paano makakatulong ang panitikan upang masugpo—o kung hindi man, mabawasan paunti-unti—ang mga kaisipang iniluwal ng patriyarkal na lipunan laban sa mga babae.
Ayon kay Siy, nakapagbibigay ang panitikan ng boses para sa lahat ng uri ng tao, kabilang ang mga babae na kadalasan ay hindi naririnig o ayaw pakinggan.
"Kapag ang isang tao ay maraming-maraming nabasa na mga panitikan na nasa marginalized [sectors] kagaya ng kababaihan, manggagawa, kabataan, indigenous people, mas lumalawak 'yong kakayahan niyang umunawa sa damdamin at saloobin ng mga tao na hindi niya katulad,” saad ni Siy.
Dagdag pa niya, “[H]alimbawa, kapag ang isang lalaki ay nakakabasa ng mga panitikan mula sa iba't ibang marginalized sector, siya ay mas sensitibo sa kaniyang mga sasabihin at alam niya kung ano ang mararamdaman ng mga tao mula sa marginalized sector patungkol sa kaniyang mga salita.”
Pero hindi lang lalaki ang apektado ng mga kaisipang humahamak at nagbababa sa kababaihan dahil maging ang mga babae ay puwede ring maging seksista at misogonista.
Kaya naman bilang babaeng manunulat, tinitiyak ni Siy na ibalanse ang kaniyang panulat.
Aniya, “‘Yon ang unang dapat iniisip ng isang tao bago siya magsulat, pagiging balance ng kaniyang sariling buhay. [...] I always check myself as a person; kung tama pa rin ba ‘yong mga pananaw ko, balanse pa rin ba? Hindi extremist sa lahat ng aspekto. Kasi ‘yon nga, ‘pag sobra, doon tayo nagkakaproblema.”
Nakapagsulat na si Siy ng iba’t ibang akdang pampanitikan. Nasubukan na rin niyang magsulat ng radio drama bilang una niyang trabaho. Pero higit siyang nakilala sa libro niyang “It’s a Mens World” na koleksyon ng mga creative nonfiction o personal na sanaysay.
Sa ganitong porma niya napiling magsulat sa maraming pagkakataon dahil mas madali umano ito para sa kaniya kumpara sa tula.
“‘Yong creative nonfiction,” sabi ni Siy, “ay isa sa pinaka-friendly na form of literature lalo na sa kababaihan kasi free-flowing lang siya. Parang katulad siya ng paraan ng pag-iisip natin. Madali siyang structure.”
Impluwensiyado si Siy ng yumaong si Lualhati Bautista na iniaangat ang kalagayan ng kababaihan sa pamamagitan ng mga nobela nito.
“Dahil sa course ko na BA Malikhaing Pagsulat,” lahad ni Siy, “naka-encounter ako ng napakaraming akda. But noong nagbabasa na ako ng mga akda at nobela ni Lualhati Bautista, iba ‘yong tama. Napakatagos sa puso. At dahil do’n, na-realize ko na hindi pala masama na you speak your mind.”
Bukod dito, malaki rin umano ang naitulong ng mga akademikong papel na ipinabasa sa kanila noon ng guro niyang si Luna Sicat-Cleto.
Sa huli, nag-iwan ng mensahe si Siy para sa mga kapuwa niya babae. Hinikayat niya ang bawat isa na isulat ang kanilang mga danas, gaano man ito kaliit o kasimple.
“‘Wag na ‘wag n’yong kalimutang i-celebrate kahit ang mga maliliit na bagay kasi ‘yan ay gift ng universe,” sabi niya.
“So kapag tayo ay nakakadama ng struggle,” pagpapatuloy pa niya, “kahit maliliit na wins, dapat ‘yan ay sine-celebrate, dapat ‘yan ay kinukuwento, dapat ‘yan ay binabahagi. Kasi ‘yan ay isang paraan para ma-inspire din ‘yong kapuwa natin babae.”
Basahin: ALAMIN: Ilan sa epic fail na pangyayari sa pagtrato sa kababaihan sa Women's Month