April 13, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Ilan sa epic fail na pangyayari sa pagtrato sa kababaihan sa Women's Month

ALAMIN: Ilan sa epic fail na pangyayari sa pagtrato sa kababaihan sa Women's Month
Photo courtesy: File Photo

Sa depinisyon ng Merriam Webster Dictionary tungkol sa salitang “epic fail,” nangangahulugan ito bilang “a notable, obvious, and usually public failure [event].” 

Sa madaling salita, kung pagsasama-samahin ang mga epic fail kuno na ganap sa isang pangyayari, partikular sa selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan o Women’s Month ngayong Marso 2026, tiyak na lalabas ang pangalan ng mga mambabatas, pseudo-pastor, abogado at host na naging mainit sa mata ng publiko kamakailan. 

Ngunit dahil selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan, matibay na paninindigan ang kamakailang nasaad sa publiko ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro para sa pagsusulong ng karapatan at dangal ng mga katulad niya, laban sa ilang personalidad na dumungis at nagpahayag ng kanilang tila malalaswang pagnanasa maging sa mga programang pangnasyonal. 

“Nabubuhay tayo sa lipunang kumikilala, gumagalang, nag-aangat, at nagbibigay lakas sa kababaihan. Hindi kami babae lang. Babae kami. This is empowering women to empower all women,” ani Castro noong Marso 4, 2026. 

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro: 'Hindi kami babae lang. Babae kami!'

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga kinanselang aktibidad sa Balangay Festival 2026 bunsod ng krisis sa krudo

Magmula nang sumapit ang buwan ng Marso nitong 2026, ano-ano nga ba ang mga “epic fail” na pangyayaring nakapagpainit sa tumbong ng publiko para sa kababaihan sa kabila ng matiwasay at respetado sanang pagdiriwang ng Women’s Month? 

ANG PAG-IINIT NI REP. SUNTAY KAY ANNE CURTIS

Literal na maiinit na tugon at reaksyon mula sa publiko at kilalang mga personalidad ang inabot ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay tungkol sa naging mga pahayag niya kaugnay sa aktres na si Anne Curtis-Smith sa kaniyang manifestation sa gitna ng dilebration ng House Committee on Justice sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte noong Martes, Marso 3, 2026. 

“Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari. Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” ani Suntay sa pagdinig.

Pahabol naman niya, “Pero ‘di naman siguro ako puwedeng kasuhan kung ano ang na-imagine ko eh.” 

Matapos nito, napakaraming kilalang personalidad, lalo na ng mga kababaihan, ang nagbahagi sa publiko ng kanilang reaksyon patungkol sa naging pahayag ni Suntay kay Anne. 

Nauna na riyan ang batikos ng beteranang ABS-CBN broadcast journalist na si Karen Davila kay Suntay at sinabi niyang dapat daw na sinarili na lamang ng mambabatas ang malalaswang naiisip nito, lalo na raw at selebrasyon pa Buwan ng Kababaihan. 

“A congressman. A representative of the people. Paid by the people. A husband, a father with daughters. Without the consciousness, knowledge or decency of how women should be talked about. Please keep your sick thoughts to yourself, More than striking his comments off the record, he should apologize. Women’s Month pa talaga,” giit ng mamamahayag.

KAUGNAY NA BALITA: 'Please keep your sick thoughts to yourself!' Karen Davila, binanatan si Rep. Bong Suntay dahil kay Anne Curtis

Kasunod ni Karen ang mismong kapatid ni Anne na aktres na si Jasmine Curtis-Smith at agad din nitong kinuwestiyon ang naging pahayag ni Suntay noon ding Marso 3, 2026, sa pamamagitan ng pagpo-post niya sa kaniyang social media accounts. 

“RESPECTFULLY, BONG SUNTAY, WHAT ON EARTH??? BAKIT GANON ANG THINKING? HAPPY NATIONAL WOMEN'S MONTH,” ani Jasmine. 

Sa kasunod na araw, Marso 4, 2026, muli pang nag-post si Jasmine at sinabi niyang hindi lang daw tungkol sa iisang artistang kapatid niya na si Anne ang tunay na dapat punahin sa naging pahayag ni Suntay, kundi pati na rin para sa lahat ng kababaihan lalo na at Women’s Month. 

“This moment is not about one female celebrity. It is about how ALL WOMEN, regardless of profession, continue to be reduced to bodies in spaces dominated by men in power,” buwelta ni Jasmine. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Disgusting!' Jasmine Curtis, uminit ang ulo at dugo kay Rep. Suntay

KAUGNAY NA BALITA: Jasmine Curtis sa pahayag Rep. Suntay: 'It's not about one female celebrity. It's about all women!'

Dagdag na rin ang paglalahad ng kanilang reaksyon ng iba pang mga artista sa pangyayaring ito, halimbawa nina Gabbi Garcia, Romnick Sarmenta, at Vice Ganda. 

Puna ni Gabbi kay Suntay sa kaniyang “X” post noong Marso 4, 2026, sinabihan niyang nakakadiri raw ang pag-iisip na iyon ng mambabatas. 

“If you hold power, act like it. Objectifying women, even in passing remarks, is unacceptable. We are not here to be reduced to someone’s imagination. NAKAKADIRI,” ‘ika niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Nakakadiri!' Gabbi Garcia, nag-react sa remarks ni Rep. Suntay kay Anne Curtis

Bagama’t walang direktang binaggit na pangalan si Romnick, makikita ang tila pagpatutsada niya sa mga politikong katawa-tawa na raw mismo ang kanilang sarili. 

“These... politicians. Everything is a joke – until you realise, they are the joke. And they aren't even funny. Not in the slightest,” anang aktor. 

KAUGNAY NA BALITA: Romnick Sarmenta sa mga politiko: 'Everything is a joke—until you realise, they are the joke!'

Sa naging tila pasimpleng bira naman ni Vice Ganda kay Suntay sa episode ng “It’s Showtime” noong Marso 6, 2026, tila biglang nalipat umano ang init ng ulo niya sa isang contestant ng “Laro Laro Pick” matapos nitong mabanggit ang salitang “suso.”

“Pinag-iinit mo ‘yong ulo ko,” sabi ni Vice. “Napunta sa ‘yo ‘yong bwisit ko kay Bong Suntay. Kanina kay Bong Suntay mainit [‘yong ulo ko]. Ngayon sa ‘yo na. “

“Huwag mo nang ipakita [‘yong bra]. Baka ma-imagine ka pa niyan. ‘Pag ikaw na-imagine niyan sinasabi ko sa ‘yo. Hindi naman ‘yon magso-sorry sa ‘yo,” dugtong pa niya.

KAUGNAY NA BALITA: Hirit ni Vice Ganda: Bong Suntay, ‘di marunong mag-sorry?

Samantala, sa kabila ng mga ito, matatandaang humingi naman na ng paumanhin na may kasamang pasubali si Suntay kay Anne sa isang panayam sa kaniya ng media noong Marso 4, 2026. 

“While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, doon sa mga na-offend, inuulit ko, walang malice doon sa ninais nating gawin doon sa statement na iyon. Ayaw natin makasakit through that analogy," saad ni Suntay.

“But kung may nasaktan,” pagpapatuloy niya, “humihingi tayo ng dispensa. Kay Ms. Anne Curtis din, kung nasaktan siya sa sinabi, uulitin ko, there was no malice intended at tayo humihingi ng dispensa sa kanya.”

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’

ANG “PAKIKISAWSAW” NI ALVIN ARAGON

Matapos kay Suntay, tila hindi naman nagpahuli at nagbahagi rin ng kaniyang pananaw ang Starstruck alumna Alvin Aragon hinggil sa naman sa konstroberyal na sexual remarks ng mambabatas patungkol kay Anne. 

“Kahit hindi si Anne ang tinitignan mo ng may pagnanasa may mag iinit sa loob mo, lalo na kapag nakalabas pa ang cleavage mo at legs… Kaya Filipino men protect your wife, may ‘Sin of lust’ kasi,” ani Aragon sa kaniyang Facebook post noong Marso 4, 2026. 

Payo pa ni Aragon sa kababaihan, “Filipino women dress modestly to avoid sexual desire.”

KAUGNAY NA BALITA: 'Dress modestly!' Alvin Aragon, nakisawsaw sa isyu ni Rep. Suntay

Dahil dito, nakapaglabas tuloy ng reaksyon at mariing tugon si Sofia Trazona tungkol sa nasaad ng kaniyang stepfather na si Aragon. 

Sa naging komento ni Sofia sa pamamagitan ng pagbabahagi niya ng quote pubmat ni Aragon sa kaniyang feed sa Facebook noong Marso 5, 2026, tahasan niyang itong sinabihang marumi mag-isip at wala raw respeto sa kababaihan. 

“[A]ng dumi mag isip ah walang respeto sa babae,” ani Sofia.

KAUGNAY NA BALITA: Sofia Trazona sa bagong post ni Alvin Aragon: 'Ang dumi mag-isip ah walang respeto sa babae!'

SI ATTY. TOPACIO AT PAGTULIGSA NIYA KINA JASMINE CURTIS AT REP. SARAH ELAGO

Matapos kay Aragon ngunit tungkol pa rin sa nasaad ni Suntay, matatandaang tila kinampihan naman ni Atty. Ferdinand “Ferdie” Topacio ang naging pahayag kamakailan ni Suntay tungkol kay Anne sa programa niyang “Yes… Yes… Yo! Topacio” ng DWIZ News noong Marso 5, 2026. 

Aniya, “‘Yong iniisip mo, hindi ka puwedeng—hindi criminal offense. Kahit anong sama ng iniisip mo, may nakita kang babae na gusto mong gahasain, gusto mong halayin, gusto mong daklutin (ano na, harapan na), hindi kasalanan ‘yon!” 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Topacio kinatigan si Suntay: 'May nakita kang babae na gusto mong halayin, 'di kasalanan 'yon!'

Matapos nito, nagawa nang puntiryahin ni Topacio at direktang pasaringan si Jasmine Curtis tungkol sa naging reaksyon nito sa mga nasabi ni Suntay at diniin niyang nagpo-post daw ang mga artistang kagaya ni Jasmine ng larawang naka-bikini sa social media upang pagnasahan at sumikat. 

“Kayong mga artista, mga ganyan, ikaw, Jasmine, bakit ka nagpo-post ng bikini pictures mo sa social media, sa mga pahayagan—hindi ba para ikaw ay pagnasahan, para ikaw ay sumikat?” buwelta ng abogado. 

Tugon naman ni Jasmine kay Topacio noong ding Marso 5, 2026, “DUGYOT KA!” 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Topacio bumanat kay Jasmine: 'Ba't ka nagpo-post ng bikini pictures, 'di ba para pagnasahan?'

Tila hindi pa rito natapos si Topacio at inamin naman niya mismo ang minsan niyang naging pagnanasa kay Gabriela Women’s Partylist Rep. Sarah Elago nang personal niya raw na maamoy ito sa isang hearing nila sa Department of Justice (DOJ) noon. 

Ani Topacio, wala raw siyang pakialam kung magagalit ang publiko o ang mga tagapakinig niya sa kaniyang programa hinggil sa pagkukuwento niyang ito.

“Ako dati, pinagnasahan ko rin si Sarah Elago, e. Naamoy ko noong hearing namin sa DOJ. Magalit na kayo kung magagalit kayo sa akin. I don’t care. Kasi talagang ako, suklam na suklam sa hypocrisy, kaplastikan. Kasi I always say what I mean and I mean what I say,” pagkukuwento nito. 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Topacio, inaming pinagnasaan nang maamoy noon si Rep. Sarah Elago!

Nakapaglabas naman ng pahayag si Elago noong Marso 6, 2026, patungkol sa nasaad na ito ni Topacio at sinabi niyang hindi niya raw ito palalampasin. 

“BAWAL BASTOS! Hindi natin ito palalagpasin. Kailangan nating panagutin,” pagsisimula niya.

Ani Elago, wala raw puwang sa lipunan ang kaisipan at pag-uugali ni Topacio at patuloy raw silang kikilos para wakasan ang anyo ng seksismo at karahasan na nararanasan ng kababaihan. 

“Walang puwang sa lipunang naghahangad ng tunay na pagbabago ang ganitong kaisipan at pag-uugali,” saad niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Sarah Elago, 'di raw palalampasin pambabastos ni Atty. Topacio!

“HAWAKAN NA ANG MGA TICKET” NG WILYONARYO HOST AT PAGSITA NI TUESDAY VARGAS SA UMANO'Y AMBA NI WILLIE REVILLAME

Matatandaang naging usap-usapan naman sa social media ang isa sa mga dancer-host ng bagong game show ni Willie Revillame na “Wilyonaryo” matapos siyang magkamali sa salitang nasabi niya habang umeere ang programa sa free TV at online.

Sa halip na “ticket” ang mabigkas niya, “titi” o maselang bahagi ng katawan ng lalaki ang nasabi niya.

“Happy Thursday, everyone! Luzon, Visayas, at Mindanao! Hawakan na ang mga titi... hawakan na ang mga ticket at tumutok sa Wilyonaryo!" natatawang sabi ng babaeng dancer-host. 

To the rescue naman si Willie at itinuwid ang maling nabanggit ng kasamahan ngunit makikita rin ang tila paamba nitong pagmuwestra ng pananakit sa nagkamaling dancer-host, maging pabiro man iyon o hindi. 

“Sasampalin kita, e,” maririnig na sinabi ni Willie. 

KAUGNAY NA BALITA: Dancer-host ng Wilyonaryo, usap-usapan; hawakan ang mga tit* ang nasabi imbes na ticket!

Dahil dito, naglabas naman ng reaksiyon ang komedyanteng si Tuesday Vargas sa ikinilos ni WIllie matapos magkamali ng sambit ang dancer-host ng programa na si “Elay.” 

Ani Tuesday, hindi raw siya nababahala sa maling nasabi ni Elay kundi tila mas naalarma raw siya sa akmang tila mananampal na muwestra ni Willie.

“Hindi ako nabahala sa ‘Hawakan ang mga ’ Nabahala ako sa sinabi nung main host at nang mwestra pa na parang mananampal ng babae sabay sabi ‘hahampasin kita dyan eh,’” saad ni Tuesday.

Dagdag pa niya, “Kelan at sino ba ang nagsabi na normal gawin yan? Reviewhin nyo yung footage.”

KAUGNAY NA BALITA: Tuesday, nabahala sa umano’y tangkang pananampal ni WIllie sa dancer-host ng ‘ Wilyonaryo’

Ilan lamang ang mga pangyayaring ito na tila nagpa-init sa entrada ng Marso at saktong selebrasyon ng Buwan ng Kababaihan. Matagal nang hindi kinokonsidera ang patriyarkal na mundo o uri ng lipunan dahil may kakayahang makasabay ang kababaihan sa kalalakihan, o minsan ay mas higit pa nga. 

Ang tanong: buwan man ng Marso o hindi, kailan matatapos ang dominasyon at lantarang pambabastos ng kalalakihan sa kababaihan, at pagtrato bilang “babae lang?”

Mc Vincent Mirabuna/Balita