Tila kinampihan ni Atty. Ferdinand “Ferdie” Topacio ang naging pahayag kamakailan ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay tungkol sa artista at “It’s Showtime” host na si Anne Curtis-Smith.
Matatandaan kasing naging usap-usapan ang kontrobersyal na pahayag ni Suntay sa gitna ng kaniyang manifestation sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte noong Martes, Marso 3, 2026.
“Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari. Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” ani Suntay sa pagdinig.
KAUGNAY NA BALITA: 'May desire sa loob ko na nag-init talaga!' Pahayag ng solon tungkol kay Anne Curtis sinita, pinatanggal sa house records
Ayon naman sa mga naging pahayag ni Topacio sa programa niyang “Yes… Yes… Yo! Topoacio” ng DWIZ 882 noong Huwebes, Marso 5, 2026, sinabi niyang “minor” o maliit na bagay lamang ang mga nasabi ni Suntay.
“Very minor ‘yong sinabi ni Suntay,” pagsisimula niya.
Ani Topacio, gustong-gusto lang daw ng marami o ng publiko na ma-impeach si VP Sara kaya hindi nila maintindihan ang nasabi ni Suntay patungkol kay Anne.
“Ang sinasabi lamang niya, ang puntos niya, na hindi ninyo naintindihan—hindi dahil kayo ay hindi matalino, kundi bulag kayo dahil gustong gusto n’yo nang ma-impeach si Sara Duterte,” aniya.
Diin ng abogado, hindi umano “criminal offense” ang mga nasabi ng mambabatas.
“‘Yong iniisip mo, hindi ka puwedeng—hindi criminal offense,” saad niya.
Pagpapatuloy pa ni Topacio, hindi raw kasalanan ang kahit anong iniisip ng isang lalaki na panghahalay, gahasain, o daklutin.
“Kahit anong sama ng iniisip mo, may nakita kang babae na gusto mong gahasain, gusto mong halayin, gusto mong daklutin (ano na, harapan na), hindi kasalanan ‘yon!” pagtatapos niya.
Matapos nito, nagawa ng puntiryahin ni Topacio at direkta niyang pinasaringan ang kapatid ni Anne na si Jasmine Curtis-Smith tungkol sa naging reaksyon nito sa mga nasabi ni Suntay.
“‘Yong kapatid, bumanat pa. Si Jasmine Curtis na parang binabastos daw ‘yong kapatid niya, hindi raw tama,” ‘ika niya.
Kuwestiyon ni Topacio, nagpo-post daw ang mga artistang kagaya ni Jasmine ng larawang naka-bikini sa social media upang pagnasahan ang mga ito.
“Kayong mga artista, mga ganyan, ikaw, Jasmine, bakit ka nagpo-post ng bikini pictures mo sa social media, sa mga pahayagan—hindi ba para ikaw ay pagnasahan, para ikaw ay sumikat?” bwelta niya.
“Huwag mong sabihing art ‘yon! Huwag mo sabihing ini-endorsro mo ‘yong brand ng bikini,” pahabol pa niya.
Habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon ang magkapatid na sina Anne kaugnay rito.
Samantala, hindi ito pinalampas ni Jasmine at agad niyang ibinahagi ito sa story niya sa kaniyang social media accounts, partikular sa Facebook, noon ding Huwebes.
Reaksyon ni Jasmine, “YOWWWWW WHAT THE ACTUAL ????? WHAT THE!!!! DUGYOT KA!”
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Bong Suntay, nag-sorry kay Anne Curtis: ‘There was no malice intended!’
KAUGNAY NA BALITA: 'Disgusting!' Jasmine Curtis, uminit ang ulo at dugo kay Rep. Suntay
Mc Vincent Mirabuna/Balita