Nagbigay ng reaksiyon si Sofia Trazona sa naging social media post ng stepfather na si Alvin Aragon, bilang reaksiyon naman sa kinasasangkutang isyu ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay, matapos gamitin sa analogy si "It's Showtime" host-actress Anne Curtis, sa pagdinig ng House Committee on Justice para sa impeachment complaints kay Vice President Sara Duterte.
Ginamit ni Suntay sa kaniyang analogy si Anne Curtis sa pagpapaliwanag niya sa isyu ng nabanggit na pagiging "designated survivor" ni VP Sara na ipinahayag niya bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 22, 2024.
Matatandaang noong Hulyo 11, sinabi ni VP Sara na hindi siya dadalo sa SONA ng pangulo at itinatalaga niya ang sarili niya bilang "designated survivor."
Isa ito sa mga isyung tinalakay sa pagdinig kaugnay sa impeachment complaint sa Bise Presidente.
“Minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis. Ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na nag-init talaga, at na-imagine ko na lang kung ano ang puwedeng mangyari. Pero siyempre hanggang imagination lang ’yon,” ani Suntay sa pagdinig.
Ang naturang pahayag ay agad na sinita ng ilang miyembro ng komite, na nagsabing hindi ito kaugnay ng usapin sa pagdinig. Dahil dito, may ilang kongresista ang naghain ng mosyon upang ipatanggal sa opisyal na records ng pagdinig ang nabanggit na bahagi ng kaniyang manifestation.
"With all due respect to my friend Congressman Bong Suntay, it is just the start of the Women’s Month, and I don’t think that we should be hearing such comments from our dear colleagues," saad ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora.
Bagay na sinegundahan naman ng mga kapwa mambabatas.
Hindi naman agad naglabas ng pahayag ang kampo ng aktres kaugnay ng nabanggit na insidente.
Sa isang panayam naman sa isang programa sa telebisyon, nilinaw naman ni Suntay na hindi sexual ang kaniyang naging pahayag.
Iginiit ni Suntay na hindi totoo ang kaniyang sinabi kundi "imaginary situation" lamang.
"There’s nothing sexual dun sa sinabi ko. Nothing immoral. I said may na-imagine ako. I think there’s nothing wrong. There’s nothing even sexual sa statement na 'yon," aniya.
Naniniwala rin si Suntay na "compliment" ang sinabi niya patungkol kay Anne.
"Sabi ko, 'Ang ganda-ganda niya.' And I think she should take it as a compliment that I feel and I believe that she’s very beautiful," aniya.
Naglabas na rin n iba't ibang puna at pagkondena ang iba't ibang celebrity, personalidad, at grupo kaugnay sa naging pahayag ni Suntay. Hanggang sa dumating na nga sa puntong naghain na ng ethics complaint laban sa kaniya ang women's group na Gabriela.
Samantala, nagbigay naman ng kaniyang pananaw si Alvin tungkol sa isyu kay Rep. Suntay.
Muli niyang iginiit ang kaniyang paniniwala tungkol sa relihiyon at pananampalataya.
Aniya, "Kahit hindi si Anne ang tinitignan mo ng may pagnanasa may mag iinit sa loob mo, Lalo na kapag nakalabas pa ang cleavage mo at legs.."
Kaya naman payo niya sa mga mister, "Kaya Filipino men protect your wife may 'Sin of lust' kasi. and Filipino women dress modestly to avoid sexual desire. 'Kasi nga may Sin of lust.'
"Alam nyo mahirap talaga yan iwasan si Jesus lang ang makakatulong sayo ma overcome yan."
"Jesus said: …if your eye causes you to sin, gouge it out and throw it away. It’s better to enter eternal life with only one eye than to have two eyes and be thrown into the fire of hell…"
Matatandaang naging kontrobersiyal si Alvin matapos umani ng kritisismo ang mga naging pahayag niya, sa dahilan kung bakit hindi nakasama sa reunion concerts ng SexBomb Girls ang misis na si Izzy.
Isa pa, sinabi rin ni Alvin na ang homosexuality ay puwedeng magdala sa tao para "itapon siya sa impyerno."
REAKSIYON NI SOFIA
Tahasang shinare ni Sofia ang isang ulat patungkol sa post ni Alvin at kinomentuhan.
"ang dumi mag isip ah walang respeto sa babae," ani Sofia.
Photo courtesy: Sofia Trazona/FB
Sumunod, nagbahagi siya ng isang FB reel kung saan idinaan na lang niya sa sayaw ang "pagkaimbyerna" niya habang nakasuot ng crop top.
"crop top tayo dedma sa madumi mag isip," aniya.