March 06, 2026

Home FEATURES Lifehacks

ALAMIN: Tips para makatipid sa gasolina ayon sa DOE

ALAMIN: Tips para makatipid sa gasolina ayon sa DOE
Photo courtesy: Freepik

Nagbaba ng mga paalala Department of Energy (DOE) upang matulungan ang publiko na makapagtipid sa paggamit ng petrolyo sa kasagsagan ng lumalalang tensyon ng mga bansa sa Middle East. 

Matatatandaang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Martes, Marso 3,  na aabot na lamang sa humigit-kumulang 50 hanggang 60 araw ang suplay ng langis sa bansa. 

MAKI-BALITA: Pilipinas, may sapat na suplay ng langis abot hanggang 50-60 araw—PBBM

Kaya nauna na ring ipinaaalala ni DOE Sec. Sharon Garin ang posibleng pagsipa ng presyong petrolyo sa bansa. 

"Ang presyo talaga taas 'yan. I will not sugarcoat it. Sabihin mo na may oil na darating, tataas talaga dahil sa tensyon. The stress of the market will increase the price hanggang mag-stabilize 'yan. We need to expect that," saad ni Garin. 

Lifehacks

ALAMIN: Tips para sa kaligtasan kapag pupunta sa matataong lugar

Kaya upang maiwasan ang pagkaubos ng suplay ng langis sa bansa, binanggit ng kalihim na patuloy nilang minomonitor ang galaw nito sa pandaigdigang merkado. 

"Mino-monitor lang namin yung supply kasi. Sisiguraduhin natin na maron tayo kasi baka tumagal ang pagsara ng Strait of Hormuz. D'yan dumadaan ang shipping ng mga oil products so malaki ang dependence natin d'yan. I want us to prepare na in case ilang araw o ilang linggo na hindi makadaan ang oil deliveries at ano ang status ng supply natin," pagtitiyak ni Garin. 

MAKI-BALITA: ‘We need to expect that!' DOE, kinumpirma posibilidad na pagratsada ng presyo ng produktong petrolyo

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?

Samantala, binanggit naman ni Atty. Rino Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau ng (DOE) noong Miyerkules, Marso 4, na posibleng umabot sa ₱90 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa bansa. 

Upang hindi naman maging masyadong mabigat para sa consumers ang posibleng pagsipa na ito, tiniyak ni Abad na kasalukuyan na silang nakikipagpulong sa mga kumpanya ng langis upang talakayin ang staggered o paunti-unting pagtataas ng presyong petrolyo. 

MAKI-BALITA: Presyo ng produktong petrolyo, posibleng sumipa nang hanggang ₱90/L dahil sa sigalot sa Middle East

Dahil dito, narito ang “tipid tips” ng DOE upang maiwasan ang malawakang pagkukulang at pagkaubos ng petrolyo sa bansa: 

1. Iwasan ang pangmatagalang idling ng sasakyan 

Ipinapayo rito na ang pagpatay ng makina sa paghinto nito ng isang minuto o higit pa ay nakatutulong upang maiwasan ang pagsasayang ng petrolyo. 

2. Tiyakin na sapat ang hangin ng mga gulong

Ang kakulangan sa hangin sa gulong ay nagpapataas ng “rolling resistance,” kaya dumadagdag ito sa fuel consumption ng makina. 

3. Iwasan ang biglaang pagpreno o agresibong pagmamaneho

Ang agresibong pagmamaneho ay nakadadagdag ng 15 hanggang 40% fuel consumption ng sasakyan. 

4. Tiyakin ang regular na maintenance ng sasakyan

Ang pagkakaroon ng baradong air filter ay nakaaapekto sa engine efficiency ng sasakyan, kasama rito ang pagkasira ng spark plugs at maruruming fuel injectors. 

5. Planunhing maigi ang biyahe upang maiwasan ang traffic

Ang “stop-and-go” na pag-andar ay dulot ng dobleng fuel consumption sa pagmamaneho. 

Kaya inaabiso na para sa mas episyenteng pagbiyahe, pagsama-samahin na ang mga lakad at rutang dadaanan upang mas makatipid sa paggamit ng gas. 

Bilang karagdagang solusyon, ipinayo ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Gen. Manager Nicolas Torre noong Marso 4 sa publiko ang pagbibisikleta at paglalakad imbes na paggamit ng sasakyan hindi lamang upang makatipid sa gas ngunit pampalakas na rin ng katawan. . 

“[B]ilang isang bansa, kailangan nating bawasan ang sobrang pagdepende sa fuel-based transportation. Hindi lamang ito usapin ng trapik. Hindi lamang ito usapin ng kalikasan. Ito ay usapin ng economic resilience ng bawat pamilyang Pilipino,” saad ni Torre. 

“Kaya mahalagang palakasin natin ang active mobility — paglalakad at pagbibisikleta papasok sa trabaho — bilang bahagi ng ating pangmatagalang solusyon,” aniya pa. 

MAKI-BALITA: Active mobility, solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo—Torre

Sean Antonio/BALITA