Usap-usapan ang kumakalat na kuhang lumang video kay dating Vice President Leni Robredo matapos niyang ipakilala sa mga tao si SAGIP Party-list Representative at senatorial candidate Rodante Marcoleta, sa isang campaign gathering sa Naga City kamakailan.
Sa video clip na naka-upload sa Facebook page ng isang lokal na radyo, makikitang ipinakilala ni Robredo si Marcoleta, na tinawag niyang "Senator."
"Term end na po siya sa Congress at kakandidato siya bilang senador, i-welcome po natin, Senator na hindi na Congressman— Senator Rodante Marcoleta," aniya sa video.
Maririnig naman ang palakpakan ng audience na dumalo sa pagtitipon at tumayo na rin si Marcoleta.
"Maraming salamat po Madam Vice President," saad ni Marcoleta.
Si Marcoleta, ay isa sa mga kandidato sa ilalim ng "DuterTEN" na ineendorso naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at nasa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan o PDP-Laban.
Hindi naman malinaw kung direktang ineendorso ng dating Pangalawang Pangulo si Marcoleta.
Tila nakarating naman sa kaalaman ni Robredo ang nabanggit na video, at batay umano sa kaniyang komento, ay nilinaw niyang luma na ang nabanggit na video.
"There is so much more than meets the eye. Matagal na ito. About three weeks ago yata. The one who posted is a propagandist of a Congressional candidate," mababasa sa kaniyang komento sa video, na na-iscreenshot din ng mga netizen at pinag-uusapan online.

Matatandaang hindi ito ang unang beses na nagkaharap sina Robredo at Marcoleta. Noong Oktubre 2024, ibinahagi ni Marcoleta ang bried meeting nila ng dating Pangalawang Pangulo.
Kamakailan lamang, usap-usapan ang pag-endorso ni Robredo kay dating senador Manny Pacquiao at dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Benjur Abalos, na kapwa nasa ilalim naman ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-VP Leni, inendorso si Manny Pacquiao: ‘Siya ay mabait, mapagkakatiwalaan’
KAUGNAY NA BALITA: Benhur Abalos, nagpasalamat sa pag-endorso ni Leni Robredo
Bumisita rin sa kaniya si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na bahagi rin ng Alyansa ni PBBM, subalit walang kumpirmasyon kung ineendorso rin niya ang dating broadcaster, sa pagkasenador.
KAUGNAY NA BALITA: Erwin Tulfo, binisita si ex-VP Leni: 'Set aside political colors'
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito, ay wala pang latest na tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Robredo tungkol sa nabanggit na video. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.