Tila may taglay na suwerte ang pagkatao ni “It’s Showtime” host Kim Chiu matapos nitong manalo ulit sa “Magpasikat 2024.”
Sa ulat ng ABS-CBN News nitong Sabado, Oktubre 26, pabiro umanong humirit si Ogie patungkol kay Kim.
Aniya, "Si Kim at si Pau [ang swerte] sa amin."
"Nasama kami sa mga mahuhusay," segunda naman ng isa pa nilang kagrupo na si Lassy Marquez.
Pero para kay Kim, ang pagwawagi nila ay bunga raw ng effort ng bawat isa sa kanila.
“Tamang timpla kami. Kaya itong moment na ‘to sobrang sarap sa pakiramdam," aniya.
Pag-amin pa ni Kim, hindi raw nila inasahan ang pagkapanalo. Ang mahalaga, nagawa raw nila ang kanilang best.
Gayundin ang pahayag ni Ogie, "Nabasa ko comments na naintindihan nila gusto namin sabihin more than anything else. Nakuha nila.”
Matatandaang noong nakaraang taon ay kabilang si Kim sa grupong itinanghal na kampeon sa Magpasikat 2023 kung saan kasama niya sina Jhong Hilario at Ion Perez.
MAKI-BALITA: Team Jhong, Kim, Ion, wagi sa ‘Magpasikat 2023’ ng It’s Showtime
Taun-taong nagtatagisan ng talento at nagpapasikat ang mga host ng It’s Showtime bilang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.