July 23, 2026

Home FEATURES Human-Interest

‘Totoo ba?’ Mga senyales na nagsisinungaling ang isang tao

‘Totoo ba?’ Mga senyales na nagsisinungaling ang isang tao
Photo courtesy: Unsplash

“Ang isda ay sa bibig nahuhuli.” 

Ang mga katagang ito ay isa sa mga sawikaing kabisado ng maraming Pilipino dahil kadalasan, iniuugnay ito sa paghahanap ng katotohanan tuwing may kutob ng pagsisinungaling sa isang tao. 

Habang sa mga salita kadalasang lumulusot ang mga hindi pagkakapareho sa mga sentimentong binitawan, may mangilan-ngilan pa ring mahusay sa arte ng pagsisinungaling at naikukubli ang katotohanan sa likod ng malangis nilang dila. 

Dahil dito, narito ang ilan sa mga senyales na mahalagang bantayan upang malaman kung nagsisinungaling ba ang taong kausap: 

Pagbabago sa speech patterns 

Human-Interest

Friendship burnout?' Mga senyales na nakakapagod na ang pagkakaibigan ninyo

Ayon sa pag-aaral ng Forensics Colleges, isa sa mga pinaniniwalaang senyales ng pagsisinungaling ay ang irregular speech pattern dahil ang taong hindi nagsasabi ng totoo ay kadalasang nagkakaroon ng kapansin-pansin na pagbabago sa kaniyang tono at pag-uugali.

Saad ng PsychCentral, ang taong nagsisinungaling ay maaaring magsalita sa mas mababa o mataas na tono kaysa sa kaniyang normal na boses o kaya’y mas mabagal o mabilis na pagsasalita. 

Kadalasan din, ang sentence structure ng mga taong ito ay mas detalyado, at sinasamahan pa ng mga partikular na impormasyon. 

Ang mga senyales na ito ay nagpapakita na ang utak ng taong nagsisinungaling ay naka-overdrive upang mapagtakpan ang ilang detalye sa kaniyang kaalaman. 

Pagtitipid sa mga detalyeng ibabahagi 

Binabanggit naman sa American Psychological Association (APA) na ang mga taong gumagawa nito ay nagbibigay ng kakaunting mga sagot tuwing tinatanong o inoobligang magbigay pa ng karagdagang mga detalye.

Ang gawaing ito ay natutukoy sa pamamagitan ng transcripts sa mga tawag sa telepono o mobile phones, witness statements, o kaya’y kakulangan ng mga detalye o salita sa isang pag-uusap. 

Labis na pagsasalita 

Kabaliktaran naman ng naunang senyales, binabanggit ng mga eksperto mula sa Harvard Business School na ang mga nagsisinungaling ay maaari ding maging mas madaldal upang mapagtakpan ang ilang detalye sa kanilang naratibo. 

Kasama rin dito ang agresibong pagdaragdag ng mga mura o kaya’y paghihiwalay ng sarili mula sa pangyayari. 

May nais patunayan at tila alam lahat ng sagot sa tanong

Batay pa sa pag-aaral ng PsychCentral, ang mga taong nagsisinungaling ay mapapansin na agad sumasagot sa mga katanungan na para bang ito ay napaghandaan na niya sa kaniyang isip.

Kaya kadalasan kapag tinatanong, makikitang hindi na sila humihinto nang bahagya upang mag-isip bago sumagot. 

Pagtatakip ng bibig at mga mata 

Ang mga pinaka-pisikal na senyales ng pagsisinungaling, ayon din sa PsychCentral ay ang pagtataking ng bibig at mga mata dahil ito ang natural na depensa ng katawan tuwing hindi nagsasabi ng katotohanan ang isang tao. 

Sa kabila ng mga senyales na ito, ipinaaalala sa marami pang pag-aaral na walang simpleng detalye na makakatukoy sa pagsisinungaling dahil minsan, maaari lamang na gawin ng isang tao ang ilan sa mga ito dahil ito ay kinakabahan, hindi komportable, o kaya’y may iniindang sakit o kondisyon.