Namataan ng Department of Environment and Natural Resource (DENR)-Region XII sa Sultan Kudarat ang isang pambihirang puting unggoy, na pinaniniwalaang isang “Philippine Long-tailed Macaque.”
Batay sa pahayag ng DENR-Region XII nitong Lunes, Hulyo 6, ang nasabing unggoy ay mayroong pigmentation anomaly kaya ito kulay puti.
Bukod sa kakaibang kulay ng balahibo nito, nakita rin na mayroon itong dark brown na mga mata, na posibleng sintomas ng leucism o isa pang pigment condition.
Gayunman, binanggit ng DENR na kinakailangan pang magsagawa ng beripikasyon ng wildlife experts bago gumawa ng tiyak na konklusyon sa tunay na kondisyon ng unggoy, na ayon sa isang lokal na residente, ay namamataan na sa lugar noon pang 2016.
Dahil sa atensyong napukaw ng unggoy sa publiko, posibleng tumaas din ang panganib ng ilegal na panghuhuli rito, kaya tiniyak ng DENR na maagap silang nakipag-ugnayan sa local government unit (LGU) ng Senator Ninoy Aquino, stakeholders, at maging ang content creators dito upang maprotektahan ang unggoy at kaniyang tahanan.
Bilang parte ng pag-iingat, pansamantala nang isinara ng munisipalidad ang lugar na palaging binibisita ng unggoy para sa publiko upang maiwasan ang anumang ilegal na gawain dito.
Ipinaalala rin ng DENR na lahat ng wildlife ay protektado sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o ang “Wildlife Resources Conservation and Protection Act,” at anumang gawain ng panghuhuli, pangongolekta, at pag-aampon nito nang walang permit ay may karampatang parusa.
Ipinakikiusap din ng DENR sa vloggers, photographers, mga miyembro ng media, at netizens, at mga residente ng LGU na iwasang ibahagi ang mismong lokasyon ng unggoy upang mas maprotektahan ito.