Sa gitna ng pagpapatuloy ng mainit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sa ikalawang araw nitong Martes, Hulyo 7, isa sa mga personalidad na nakakuha ng pansin ng publiko ay si prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan.
Si Atty. Ligutan ang humawak ng article IV ng impeachment ni VP Sara, na may kinalaman sa umano'y "grave threats" ng Pangalawang Pangulo kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nakatapat naman niya ang defense counsel na si Atty. Carlo Narvasa, na makailang beses nag-object sa pagtatanong niya sa testigong si National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Investigation Unit Senior Agent John Mark Calilung, kaugnay sa ilang mga inihaing video clips ni VP Sara, na umano'y ebidensya ng pagbabanta sa buhay ng mga nabanggit na opisyal ng pamahalaan at personalidad.
Maki-Balita: Defense counsel sa NBI senior agent na testigo ng prosecution: 'Are you following a script?'
Batay sa kaniyang professional profile na makikita sa website ng "SaLigal" law firm kung saan kabilang siya, si Atty. Ligutan ay isang beteranong abogadong nagsisilbing Managing Partner ng nabanggit na law firm.
Nagsimula siya rito noong 2010 matapos magtrabaho bilang Junior Associate sa kilalang Angara Abello Concepcion Regala & Cruz (ACCRALAW), isa sa pinakamalalaking law firms sa bansa.
Nakilala si Ligutan bilang isang mahusay na litigator na humawak ng iba't ibang high-profile civil, criminal, at public interest cases na umani ng pambansang atensyon.
Ngunit bago pa man siya maging isa sa mga kinikilalang abogado sa bansa, naging mahusay na estudyante muna siya.
Nagtapos siya ng Juris Doctor sa University of the Philippines (UP) College of Law. Bago nito, nagtapos siya ng Bachelor of Arts major in Philosophy bilang summa cum laude sa University of San Carlos sa Cebu.
Naging miyembro siya ng UP Law Jessup Team at kabilang sa koponang nagkampeon sa 2008 National Moot Court Competition on International Humanitarian Law.
Kinatawan din niya ang Pilipinas sa mga prestihiyosong internasyonal na moot court competitions sa Hong Kong at France.
Bukod sa aktibong paghawak ng mga kaso, nagtuturo din si Atty. Ligutan sa iba't ibang law schools. Kabilang sa mga asignaturang kaniyang itinuturo ang Labor Law, Remedial Law, at Public International Law.
Nakapagturo na rin siya sa UP College of Law, University of San Jose-Recoletos School of Law, at University of Cebu School of Law.
Kabilang sa mga espesyalisasyon ni Ligutan ang civil at criminal litigation, political at administrative law, labor relations law, public interest cases, risk and crisis management, at local government at election law.
Dahil sa lawak ng kaniyang karanasan sa political at local government law, nagsilbi rin siyang consultant ng ilang lokal na opisyal at mambabatas, at humawak ng mga kasong may malaking epekto sa publiko.
Sa kasalukuyan, mas nakikilala siya ng marami bilang isa sa mga prosecutor sa impeachment proceedings laban kay VP Sara.