July 23, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Bakit di puwedeng pilitin si VP Sara na dumalo sa sariling impeachment trial?

ALAMIN: Bakit di puwedeng pilitin si VP Sara na dumalo sa sariling impeachment trial?
Photo courtesy: Mark Balmores (MB)

Mula nang ihain sa House Committee on Justice sa Kamara ang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte hanggang sa pormal na pagsisimula ng impeachment trial sa Senado noong Lunes, Hulyo 6, isang tanong ang paulit-ulit na lumulutang sa social media: Bakit hindi dumadalo o nagpapakita si VP Sara sa sarili niyang impeachment trial?

Ipinaliwanag ng defense lead legal counsel na si Atty. Sheila Sison na hindi kailangang dumalo ng kaniyang kliyente sa impeachment proceedings, dahil sapat na ang pagkatawan nila bilang legal counsel sa paglilitis.

Nitong umaga ng Martes, Hulyo 7, ilang oras bago magsimula ang paglilitis, sa pagkagulat ng lahat ay nagsadya at nagpakita si VP Sara sa Senado; gayunman, hindi siya dumalo sa mismong pagdinig ng impeachment trial.

Sa halip, nakipagpulong siya sa kaniyang legal team upang pag-usapan ang mga susunod na hakbang ng kanilang depensa. Bago umalis, sinabi niyang hindi siya mag-e-entertain ng anumang mga tanong, at nagbigay rin siya ng maikli ngunit matalas na pahayag hinggil sa mga nangyayari sa impeachment proceedings.

"In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed," aniya.

Human-Interest

Friendship burnout?' Mga senyales na nakakapagod na ang pagkakaibigan ninyo

Samantala, ayon naman kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tonggol, hindi maaaring obligahin o pilitin si VP Sara na personal na humarap sa impeachment court.

Paliwanag niya, may karapatan ang bise presidente laban sa self-incrimination o ang tinatawag na Right Against Self-Incrimination, isang karapatang nakapaloob sa Article III, Section 17 ng 1987 Constitution of the Philippines.

Batay sa paliwanag ng "Respicio & Co," hindi maaaring pilitin ng korte, Kongreso, o anumang ahensya ng gobyerno ang isang tao na magbigay ng testimonya o sagot na maaaring gamitin laban sa kaniya at magdulot ng pananagutang legal o kriminal.

Sa madaling salita, hindi maaaring utusan ang isang respondent na tumestigo laban sa sarili kung ayaw niya itong gawin.

Dagdag pa ni Tonggol, sapat na ang pagharap ng mga abogado ni Duterte at ang pagsusumite ng mga kinakailangang sagot, pleadings, at mosyon upang maipakita ang partisipasyon ng kampo ng depensa sa impeachment proceedings.

Nauna nang hiniling ng House prosecution panel na personal na basahan si Duterte ng apat na Articles of Impeachment at siya mismo ang sumagot sa mga ito.

Subalit tinutulan ito ng defense team.

Sa huli, kinatigan ng Senate Impeachment Court ang posisyon ng depensa at hindi inatasan ang bise presidente na personal na humarap para sagutin ang mga artikulo ng impeachment.

Bagama't hindi maaaring pilitin, hindi naman ipinagbabawal kay Duterte ang pagdalo sa mga susunod na pagdinig.

Ayon sa mga opisyal ng Impeachment Court, maaari siyang humarap anumang oras kung nanaisin niya at kung kusang-loob niyang pipiliing dumalo sa paglilitis.

Sa ngayon, nananatiling ang kanyang mga abogado ang kumakatawan sa kanya sa impeachment court habang nagpapatuloy ang isa sa pinakamahalagang prosesong pampolitika sa kasalukuyang panahon.

At habang nagpapatuloy ang paglilitis, inaasahang mananatiling usap-usapan sa publiko ang tanong kung kailan—o kung sakali mang—personal na haharap si VP Sara sa harap ng Senado.