Nagpahayag ng pagkadismaya si Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nagpapatuloy pa rin ang pag-aaral ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards hinggil sa dagdag-sahod para sa mga manggagawang nasa rehiyong nasa labas ng Metro Manila.
Kasunod ito ng pahayag sa media ni PBBM noong Miyerkules, Hulyo 8, kung saan inilahad niyang lalabas ang desisyon ng wage board ukol sa naturang panukala sa darating na Setyembre o Oktubre, matapos ang aniya’y makasaysayang wage hike na ikinasa kamakailan sa National Capital Region (NCR).
MAKI-BALITA: Pag-aaral ng wage boards sa dagdag-sahod sa ibang rehiyon, nagpapatuloy—PBBM-Balita
Ayon sa pahayag na ibinahagi ni Rep. Ceñdana sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Hulyo 8, idiniin niyang hindi na raw ito dapat pag-aralan pa.
“Nakakadismaya na imbes aksyunan ng Malacañang na i-certify as urgent ang 200-peso wage hike ay pinaubaya pa nito sa ‘pag-aaral’ ng mga regional wage boards ang wage increase,” saad ni Rep. Cendaña.
Aniya, “Hindi na kailangang aralin pa, nalulunod ang mga Pilipino sa taas ng presyo ng bilihin. Yun ang araw-araw na realidad nila.”
Sa halip daw na ipagmalaki ng Pangulo ang aniya’y pinakamaraming wage increase, dapat daw nitong pag-isipan ang “missed opportunity” nito na ipasa ang ₱200 wage hike noong 19th Congress.
“Instead of the President harping about his administration passing the most number of wage hikes, he should instead take stock of his biggest missed opportunity to pass the 200 Peso wage hike last Congress,” anang kongresista.
“Ito ay utang niya sa mga manggagawa na di pa rin niya bayad,” dagdag pa niya.
“ASAP na dapat ang pagsasabatas ng across-the-board minimum wage increase. Hindi selected regions lang na wage increase. Hindi baryang wage increase. Hindi installment na wage increase,” pagtatapos ni Rep. Cendaña.