Ipinagdiinan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na patuloy ang pag-aaral na isinasagawa ng wage boards sa bansa, upang mapagdesisyunan ang mga panukalang dagdag-sahod sa ibang mga rehiyon sa Pilipinas na labas sa Metro Manila.
Kasunod ito ng ikinasang ₱85 taas-sahod para sa mga minimum wage earners sa National Capital Region (NCR), batay sa anunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE).
MAKI-BALITA: DOLE, inanunsyo ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila
Sa pakikipanayam ni PBBM sa media nitong Miyerkules, Hulyo 8, iginiit niya ang patuloy na pag-aaral sa panukalang dagdag-sahod upang maitama umano ang wage rate sa ibang mga rehiyon sa bansa.
“Patuloy naman ang Regional Tripartite Wage Board, patuloy ‘yan [at] hindi tumitigil ‘yan—patuloy na tinitingnan at inaaral kung ano ba ang talagang presyuhan doon sa bawat region para malagay na tama ang ating wage rate…kung kailangan ng wage hike, kung magkano,” saad ni PBBM.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang aniya’y makasaysayang wage increase na ikinasa sa loob lamang ng apat na taon.
“Ang nauna ay NCR, ₱85 ang naging wage hike natin at ito ay… again, sa buong kasaysayan ng Pilipinas, ang pinakamaraming pagtaas ng wages dito—lalo na sa Metro Manila—ay sa nakaraang apat na taon,” pagbida ng Pangulo.“Nakapagsobra na tayo sa ₱200 lahat-lahat,” dagdag pa niya.
Paliwanag ni PBBM, posibleng mailabas ang susunod na desisyon para sa mga naturang panukala sa darating na Setyembre o Oktubre.
“Ang susunod ay sa mga region na pero matagal pa ‘yan, mga September [o] October pa ‘yong mga iba,” aniya.
“Kaya’t ‘pag ka natapos na sila sa kanilang pag-aaral ay ilalabas na rin natin ’yong ating mga naging resulta—at kung ano ang rekomendasyon ng ating Tripartite Wage Board sa iba’t ibang region para titingnan natin na maganda ang magiging tulong natin sa ating mga mamamayan na nagtatrabaho, at ‘yan ang pinakaimportante sa lahat,” pagtatapos ni PBBM.
Photo courtesy: RTVM/YT, MB