Ipinahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino ang dagdag ₱85 na arawang-sahod para sa minimum wage earners sa National Capital Region (NCR).
Sa pahayag na ibinahagi ni Sec. Tolentino nitong Martes, Hunyo 30, ibinunyag niyang aabot sa 1.1 milyong manggagawa mula sa naturang rehiyon ang makikinabang sa nasabing umento sa sahod.
“Bilang pagsunod din sa tagubilin ng ating mahal na Pangulong Marcos, itinataas po natin ang sweldo ng lahat ng manggagawa dito sa Metro Manila. Makikinabang po ay 1.1M daily wage earners. Itinataas po natin sa isang makasaysayang ₱85 increase,” saad ni Tolentino.
Nilinaw niyang mahahati naman sa dalawang bugso ang nasabing taas-sahod.
“Pinakamataas po ang ₱85 bawat araw sa pribadong sektor, ang pagtaas po ay ibibigay sa dalawang hulog. ₱60 effective July 19, 2026, at ₱25 sa Enero 2027,” aniya.
Bago ang pagkakasa ng taas-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila, ang kasalukuyang minimum wage sa rehiyon ay ₱695.
Pinasalamatan at pinaalalahanan naman ng kalihim ang mga employer na sumunod sa nasabing wage order.
“The Department, through the National Wages and Productivity Commission and the concerned Wage Board, shall undertake information campaigns to ensure compliance and to provide assistance to enterprises in correcting possible wage distortions,” saad ng DOLE.
“Other regional wage boards are conducting reviews and consultations in response to the President’s directive to begin assessments within 60 days before the anniversary dates of their latest wage orders,” pagtatapos nito.