July 23, 2026

Home SHOWBIZ Events

Ryan Bang, ibinigay kaniyang ipon sa staff, mga nabiktima ng lindol sa Mindanao

Ryan Bang, ibinigay kaniyang ipon sa staff, mga nabiktima ng lindol sa Mindanao
Photo courtesy: Ryan Bang (YT screenshot)

Masayang ibinahagi ni “It’s Showtime” host Ryan Bang, na ibinigay niya ang kaniyang naipong pera sa loob ng 15 taon sa kaniyang dalawang longtime staff at sa ilang mga nabiktima ng lindol sa Mindanao. 

Sa birthday vlog ni Ryan noong nakaraang Martes, Hunyo 30, ikinuwento niyang mula nang umarangkada ang kaniyang karera sa It’s Showtime noong 2010, nagtatabi siya ng ₱1,000 mula sa kinikita. 

Kaya ngayong 2026, umabot ang kaniyang naipon sa ₱190,000. 

Bukod pa ito sa ₱10,000 na kinita niya sa isang community market, kung saan, nagtayo si Ryan ng isang sari-sari store, na nagbigay oportunidad din sa ilang Pinoy na magkaroon ng pagkakakitaan. 

Sa sumatotal, nakakalap si Ryan ng ₱200,000 sa kaniyang ika-35 na kaarawan. 

Events

Ivana Alawi, Kara David nag-tie sa FAMAS bilang best host for public service

Aniya, ang perang ito ay ibinigay niya sa kaniyang Personal Assistant (PA), na limang taon na sa kaniya, at driver na 13 taon namang nagtatrabaho sa kaniya. 

“Sabi sa akin ng mga magulang ko, alagaan ko yung pinakamalapit na employees ko. Tsaka pamilya mo, pamilya ko [na] rin,” saad ni Ryan sa kaniyang PA na si Joyce. 

Habang iniaabot din ni Ryan ang pera sa kaniyang PA, hiling nito na gamitin ang regalo niyang pera sa tuition fee at pang-opera ng kaniyang anak, na inaanak din ni Ryan. 

Sa driver naman ni Ryan, na si Ronald, pabiro niyang sinabi na sa loob ng 13 taon, nakita na nito lahat ng kaniyang ex-girlfriend. 

Saad pa ni Ryan, kahit noong hindi pa siya sikat, hindi siya iniwan ni Ronald, at sa bawat lakad, matiyaga siyang hinihintay nito. 

Bukod din sa pagiging driver, ikinuwento ni Ryan na nakahihingi rin siya ng payo kay Ronald. 

Dahil sa tila “father and son” na relasyong ito, inaanak din ni Ryan ang anak ni Ronald. 

Kasama rin sa mga niregaluhan ni Ryan ay ang Mahayahay Elementary School sa Davao Occidental, na nabiktima ng magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo. 

Matatandaan na bumagsak ang bubong ng paaralan dahil sa lakas ng lindol. 

“Bumagsak yung bubong sa isang elementary school [sa Mindanao]. Nadurog talaga ang puso, naawa ako kasi yung mga bata. Di naman malaki, pero hangga’t maaari, makatulong tayo sa kapwa Pilipino,” saad ni Ryan. 

Sa pagtatapos ng kaniyang vlog, pinasalamatan ni Ryan ang kaniyang fans at ibinahagi na masaya siyang tumulong at magbigay ngiti sa mga ito. 

“Thank you so much, yung pagmamahal n’yo sa akin, madlang people at sumusuport sa akin kahit hindi malinaw ang salita ko. Thank you!” pasasalamat ni Ryan.