July 17, 2026

Home BALITA Probinsya

Sa halagang ₱1k: Lalaking 'di makabayad ng utang, pinagsasaksak!

Sa halagang ₱1k: Lalaking 'di makabayad ng utang, pinagsasaksak!
Photo courtesy: Unsplash

Kritikal sa ospital ang isang 23-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng tatlo niyang mga kainuman kaugnay ng hindi nabayarang utang, sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.

Lumilitaw sa imbestigasyon na nauwi sa mainitang pagtatalo ang usapan matapos singilin ng isa sa mga suspek ang biktima sa umano'y ₱1,000 na pagkakautang na matagal na nitong ipinapangakong babayaran.

Ayon kay Police Lieutenant Jonathan Castillo ng San Fabian Police Station, paulit-ulit na umano ang paniningil ng suspek sa biktima ngunit palagi raw itong hindi nakakabayad.

"Ito yung nagmula sa sinisingil na utang na matagal nang pinangakuan. Pero every time na pumunta naman yung ano… hindi nagbabayad,” paliwanag ni Castillo sa media.

Niyaya umano ng suspek ang biktima, kasama ang dalawa pang lalaki na makipag-inuman sa sa kanila sa labas ng bahay kung saan nagkaroon ng komprontasyon hanggang sa kanilang pagtulungan ang biktima.

Probinsya

16-anyos na Boy Scout, pinarangalan sa pagligtas ng buhay ng isang lalaki

Tinamaan ng saksak sa tiyan ang biktima at agad itong isinugod sa pagamutan kung saan nananatiling nasa kritikal na kondisyon.

Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek ngunit kalaunan ay naaresto rin ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation.

Aminado naman umano ang mismong pinagkakautangan ng biktima sa nangyaring pananaksak at sinabing nadala siya ng galit at impluwensiya ng alak nang mangyari ang krimen.

Ayon pa sa suspek, kailangan na umano nila ang pera upang makabili ng bigas para sa kanilang pamilya.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong frustrated murder laban sa mga naarestong sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Samantala, wala pang pahayag ang biktima at mga kaanak nito hinggil sa nangyaring pananaksak.