Itinanghal na grand champion ang grupo nina Jhong Hilario, Kim Chiu, at Ion Perez sa ginanap na “Magpasikat 2023” ng Kapamilya noontime show na “It’s Showtime” para sa kanilang ika-14 na anibersaryo.
Base sa awarding nitong Sabado, Nobyembre 11, nakakuha ang team JKI (Jhong, Kim, Ion) ng average score mula sa mga hurado na 9.6.
Pinerform ng Team JKI ang kanilang konsepto tungkol sa tamang paggamit ng cellphone at ang epekto ng social media sa bawat isa.
Kinilala naman bilang second runner up ang team Aro na binubuo nina Anne Curtis, Ryan Bang, at Ogie Alcasid matapos silang makatanggap ng 8.6 score.
“Pray for healing” ang naging tema ng konsepto ng nasabing grupo sa Magpasikat 2023.
Samantala, nakuha ng team nina Vhong Navarro, Jugs Jugueta, at Teddy Corpus o ang JTV na may score na 8.2.
Sa kanila namang performance, kinilala at binigyang-buhay ng Team JTV ang mga pumanaw nang mga komedyante ng bansa sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI).
Naging mga runner up naman sa naturang Magpasikat 2023 ang team nina Vice Ganda, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez (may 7.4 score) matapos nilang i-perform ang temang may kinalaman sa “kahalagahan ng pangarap ng isang tao,” maging ang team nina Karylle Yuzon, Amy Perez, MC, at Lassy (may 6.2 score) na ipinahayag naman sa performance ang “kahalagahan ng pamilya.”
Inanunsyo ang naturang resulta nitong Sabado matapos mag-perform mula Lunes hanggang Biyernes ang bawat grupo ng It’s Showtime hosts.
Nagsilbing hurado sa Magpasikat ngayong taon sina Apl.de.Ap, Direk Olivia Lamasan, Tirso Cruz III, Barbie Forteza, at Jett Pangan.
Taun-taong nagtatagisan ng talento at nagpapasikat ang mga host ng It’s Showtime bilang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.