Noong Martes, Hulyo 7, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 6.4% ang headline inflation sa Pilipinas para sa buwan ng Hunyo.
Ayon sa PSA, mas mababa ito sa talang 6.8% noong Mayo 2026—ngunit hindi hamak na mas mataas sa 1.4% noong Hunyo noong nakaraang taon.
MAKI-BALITA: Inflation, bumaba sa 6.4% nitong Hunyo 2026!-Balita
Paliwanag ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), ang pagbagal sa pagtaas ng presyo ng mga serbisyo at bilihin ay nag-ugat sa pagkalma ng presyo ng langis—kasama na rin ang ilan sa mga aksyong ikinakasa ng pamahalaan upang makontrol at maisaayos ang food supply sa bansa.
Ngunit ano nga ba ang espesipikong mga hakbang ng gobyerno upang mapanatiling mababa o mabagal ang inflation rate sa Pilipinas?
Batay sa impormasyong inilatag ng DEPDev nitong Miyerkules, Hulyo 8, ilan lamang ang mga mababanggit sa mga aksyon ng pamahalaan kaugnay sa pagkontrol ng implasyon sa bansa:
1. Targeted assistance para sa mga magsasaka, fisherfolks, at transport service providers
Ayon sa DEPDev, ang pamamahagi ng tulong para sa mga nabanggit na sektor at manggagawa ay magreresulta sa matatag at maigting na food supply.
Mababawasan din ang labis na epekto ng implasyon na kadalasa’y nag-uugat sa pagkakaroon ng hindi magandang panahon at pagkakaroon ng mababang produksyon ng pagkain at iba pang mga produkto.
2. El Niño Food Security Action Plan
Ang inisyatibong ito ay magbabahagi ng ₱26.13 bilyong pondo para masiguro na magiging sapat ang suplay ng pagkain—gayundin ang pagpigil sa income losses ng mga sektor na maaapektuhan nito partikular na ang mga magsasaka at mangingisda.
3. Pagpapalakas ng energy resilience
Anang DEPDev, maisasakatuparan ito sa pagkakaroon ng matatag na national strategic petroleum reserve kasama ang bansang Japan.
Bilang resulta, magkakaroon na ng solusyon sa isyu sa langis (suplay at presyo), kung halimbawang magkaroon ng pandaigdigang tensyon sa pagitan ng iba’t ibang mga bansa at nasyon.
Sa hiwalay na pahayag ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, mahalaga sa bawat pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng pagbagal sa implasyon—percentage point drop man ito.
“Every percentage point drop in inflation matters to Filipino families,” saad ni Balisacan.
Aniya, “It means household budgets can go further, especially for poor families who spend a large share of their income on food and transportation.”
“If we want stable prices, we need a stable food supply. Reducing losses from weather disturbances and other supply disruptions remains one of the most effective ways to protect both consumers and producers from future price shocks,” dagdag pa niya.
Giit pa ng kalihim, ang kanilang adhikain ay hindi lamang pababain ang implasyon; bagkus panatilihin ang mababang lebel nito at siguraduhing “stable.”
“Our goal is not only to bring inflation down but to keep it low and stable. That requires stronger food production, more efficient supply chains, and greater resilience to climate and other shocks,” anang kalihim.
“By strengthening these foundations, we can help Filipino families plan, save, and prosper with greater confidence,” pagtatapos ni Balisacan.