Pumatutsada si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na humigit-kumulang tatlong taon daw pinaghandaan ang pagsasampa ng impeachment complaints laban sa kapatid niyang si Vice President Sara Duterte.
Matatandaang katatapos lang ng unang tatlong araw ng Senate impeachment trial noong Miyerkules, Hulyo 8, na opisyal na nagsimula noong Lunes, Hulyo 6, 2026.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I would say that it's a good week for the prosecution!'—House Prosecutor Zamora
Sa naging pahayag naman ni Mayor Baste sa panayam sa kaniya ng Duterte Supporter na si Alvin Sarzate noong Miyerkules (araw sa The Hague, Netherlands), Hulyo 8, 2026, sinabi niyang hindi raw siya nanonood ng court proceedings ng impeachment trial laban sa kaniyang kapatid dahil planado na raw ito simula pa noong tatlong taon na ang nakalipas nang maupo raw sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Ako, hindi ako nanonood. Kasi noong simula pa lang, when this impeachment campaign begin, it was three years ago,” pagsisimula niya.
Diin pa niya, “Even noong simula pa lang ng termino ni Marcos ‘yan. Noong nagkalabuan na, nandiyan na ‘yang usapang impeachment against the Vice President.”
Ani Mayor Baste, kung ano-ano na lang daw ang idinagdag ng mga kalaban ni VP Sara bukod sa usapin ng confidential funds sa Department of Education (DepEd).
“For what? The confidential funds? And ngayon dinadagdagan nila kung ano-ano na lang na puwedeng idagdag,” buwelta niya.
Pagpapatuloy ni Mayor Baste, gusto raw ng mga kalaban nila na ma-impeach si VP Sara para masunod daw ang gusto ng mga ito at manatili sa kapangyarihan.
“Gusto nila na may impeachment para masunod ‘yong gusto nila. It’s not about really like the Vice President defending herself. But it is about putting her sa lugar kung saan nila gusto na nandiyan siya,” saad niya.
“Kaya nga nila ini-insist ‘yong impeachment na ‘yan kasi they want to remain in power. Gusto nila, sila. That’s all I can say. Kapag pumayag ‘yong mga tao, wala na kaming magagawa,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nakatakdang muling simulan ang impeachment trial laban kay VP Sara sa darating na Lunes, Hulyo 13, hanggang sa araw ng Miyerkules, Hulyo 15, 2026, na magsisimula tuwing 2:00 ng hapon.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Padilla, inurirat testigo tungkol sa orihinal na nag-record ng pagbabanta ni VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, walang 'bad reaction' sa naganap na day 2 ng impeachment trial!