July 23, 2026

Home BALITA National

Sen. Padilla, inurirat testigo tungkol sa orihinal na nag-record ng pagbabanta ni VP Sara

Sen. Padilla, inurirat testigo tungkol sa orihinal na nag-record ng pagbabanta ni VP Sara
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Kinuwestiyon ni Senator-Judge Robin Padilla ang testigong si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung kung nakuha ba raw nito ang affidavit ng orihinal na nag-record ng umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ng Pangulo, First Lady, at dating House Speaker noong Nobyembre 23, 2024. 

“Parang narinig ko kanina, hindi po naibigay ‘yong original copy no’ng isinagawang interview kay Vice President Sara Duterte. ‘Yong original po na kopya kung sino ‘yong nag-record, wala po kayong affidavit?” urirat ni Padilla sa ikatlong araw ng impeachment trial nitong Miyerkules, Hulyo 8, 2026. 

Dagdag pa niya, “Meron po kayong affidavit na nakuha n’yo?” 

Depensa naman ni Calilung, tanging ang affidavit daw niyang siya ang nag-screen record ng naging pagbabanta ni VP Sara ang mayroon sila.  

“Yes, Sir. Ang nire-request po ng DOJ diyan is affidavit noong nag-screen record, which is my affidavit,” anang testigo. 

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

“Meron po ba siyang affidavit?” paglilinaw pa ni Padilla. 

Diin ni Calilung, “Ako, Sir. Ako po ‘yong nag-execute, Sir. Ang hinihingi po kasi ni DOJ is kung sino ‘yong nag-screen record through OBS, Sir.” 

Pagtitiyak pa ni Padilla, “Hmmm. Hindi po ‘yong mismong tao? Kayo lang po ‘yong nag-affidavit?” 

Ani Padilla, nagkaroon ba raw ng pagkakataon si Calilung na makausap ang indibidwal na orihinal na may record ng naging pagbabanta ng Pangalawang Pangulo dahil mahalaga raw iyon bilang raw file na magpapatunay sa naturang pangyayari. 

“Pero meron po kayo na pagkakataon ba na makausap n’yong ‘yong tao at nagbigay siya ng affidavit? ‘Yong nag-record po? ‘Yong mismong nag-record po kay Inday, sa Vice President, makausap n’yo po ba?” aniya. 

Giit pa ng Senator-Judge, “‘Yong raw file po kasi napakahalaga po no’n. Doon po natin malalaman kung original ba o hindi.” 

Paliwanag naman ni Calilung, nakapubliko na raw ang video ni VP Sara sa naging pagbabanta nito noon kaya raw niya ito na-screen record. 

Buwelta naman ni Padilla, dapat daw na sagutin na lang ni Calilung kung nakuha ba raw nila ang orihinal na screen record ng naging pagbabanta ni VP Sara at hindi raw mula lang sa internet. 

“No, Sir,” sagot naman ni Calilung. 

Samantala, hindi na muli pang nagtanong si Padilla matapos nito. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, walang 'bad reaction' sa naganap na day 2 ng impeachment trial!

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Pia Cayetano, magkaka-stiff neck na; hiniling dagdag na monitor!