Kinaaliwan ng mga netizen ang hiling ni Senator-Judge Pia Cayetano na magdagdag ng bagong monitor sa loob ng Senate Impeachment Court dahil "nagkaka-stiff neck" na raw siya dahil sa malabong kopya ng mga sunod-sunod na ebidensyang ipinakikita sa cross-examination ng defense team sa testigong si National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Investigation Unit Senior Agent John Mark Calilung.
Sa gitna ng cross-examination at day 3 ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, humiling si Cayetano sa presiding officer na si Senator-Judge Chiz Escudero at Senate President Win Gatchalian, na kung maaaring maglagay ng karagdagang monitor sa isang bahagi ng korte upang mas madali niyang masundan ang mga dokumento at presentasyon sa pagdinig.
Ayon sa senadora, nahihirapan siyang tumingin sa kasalukuyang lokasyon ng monitor at baka umano mauwi ito sa pananakit ng kaniyang leeg.
"If it's possible, Mr. President, if our Secretariat can install monitor here because magkaka-stiff neck na po ako while watching this," saad ni Cayetano na tumutukoy sa monitor na nasa bandang itaas.
"It doesn't look nice that I'm slouched there looking this way," ani Cayetano.
Aniya, hindi raw niya makita ang mga kopya ng affidavit na ipinakikita ng defense lawyer na si Atty. Carlo Narvasa.
Agad namang inatasan ng presiding officer ang Secretariat na tumalima sa request ni Cayetano.
Sinegundahan naman ito ng kapatid ni Sen. Pia na si Sen. Alan Peter Cayetano.
"Just in the interest of all senator-judges being able to follow closely especially kami sa first row, medyo nagkaka-stiff neck na kami. Mahirap tingnan yung TV," aniya.