Inihayag sa publiko ng isa sa mga House Prosecutor na si San Juan City Lone District Rep. Ysabel Maria Zamora ang tila naging resulta ng naganap na unang linggo ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Habang sinusulat ito, natapos na nitong Miyerkules, Hulyo 8, 2026, ang ikatlong araw ng Senate impeachment trial na nagsimula noon pang Lunes, Hulyo 6, 2026.
Isa sa mga pangunahing nagharap sa Korte sina Atty. Amando Virgil Ligutan, ang pro bono private prosecutor, at si Atty. Carlo Joaquin Narvasa, mula naman sa defense team.
Sumentro ang naging unang tatlong araw ng impeachment trial sa Article IV ng Articles of Impeachment kaugnay sa naging pagbabanta umano ni VP Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez magmula noong Nobyembre 23, 2024 at mga sumunod pang pangyayari.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si Atty. Amando Virgil Ligutan ng prosecution team
KAUGNAY NA BALITA: KILATISIN: Si Atty. Carlo Narvasa ng defense team
Sa ikinasa namang press conference ng House prosecution panel na dinaluhan ni Zamora hapon nitong Miyerkules, Hulyo 8, nagawa siyang kuwestiyonin ng mga mamamahayag kung nakuha ba raw ng prosecution ang momentum sa unang linggo ng impeachment trial.
Mariin namang umiwas si Zamora na direktang tugunan ang hinihinging sagot ng media.
“I wouldn’t say that,” aniya.
Preno naman ni Zamora, sigurado lang daw siyang masasabi niya na isang magandang linggo ang naganap para sa hanay ng prosecution.
“But I would say that it is a good week for the prosecution,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nakatakdang muling gumulong ang Senate impeachment trial laban sa Pangalawang Pangulo sa darating na Lunes, Hulyo 13, hanggang Miyerkules, Hulyo 15, 2026, na magsisimula tuwing 2:00 ng hapon.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, walang 'bad reaction' sa naganap na day 2 ng impeachment trial!
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Padilla, inurirat testigo tungkol sa orihinal na nag-record ng pagbabanta ni VP Sara