Balik na sa normal ang operasyon ng mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) nitong Lunes, matapos na mapilitang magpatupad ng limitadong biyahe nitong Linggo dahil sa sunog na naganap malapit sa Recto Station nito sa Maynila.

Sa abiso ng Light Rail Transit Authority (LRTA), nabatid na balik na ang biyahe ng kanilang mga tren mula Recto Station hanggang sa Antipolo Station at pabalik, matapos ang isinagawang clearing at safety assessment.

“#LRTAdvisory:Balik-normal na ang operasyon ng LRT-2 ngayong araw, May 14 matapos ang nangyaring sunog malapit sa Recto Station. May biyahe na mula RECTO STATION hanggang ANTIPOLO STATION at pabalik,” anang LRTA.

Anang LRTA, aalis ang huling tren sa Recto Station, ganap na alas-9:30 ng gabi habang alas-9:00 naman ng gabi ang last trip sa Antipolo Station.

Metro

Sa dami ng nagkakasakit: ER sa ilang ospital sa QC, puno na sa pasyente

Samantala, inanunsiyo na rin ng LRTA na hindi pa rin maaaring daanan ang connecting bridge mula Recto Station papuntang LRT-1 Doroteo Jose Station.

Pinaalalahanan din nito ang mga pasahero na sa ibaba o sa kalsada muna dumaan habang isinasaayos pa ang naturang tulay.

Matatandaang napilitan ang LRT-2 na magpatupad ng limitadong operasyon sa kanilang linya nitong Linggo matapos ang isang malaking sunog na sumiklab sa isang residential area sa Sta. Cruz, Manila na ikinasawi ng isang lalaki at ikinasugat ng apat na iba pa.