August 01, 2026

Home BALITA National

Rep. Leviste, ex-Cong. Paras lagot sa NBI ugnay umano sa 'sex scandal plot' vs ES Recto!

Rep. Leviste, ex-Cong. Paras lagot sa NBI ugnay umano sa 'sex scandal plot' vs ES Recto!
Photo courtesy: MB, Jing Paras (FB)

Nakatakdang magpadala subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at dating Negros Oriental Rep. Jing Paras kaugnay sa character assassination o sex scandal plot umano laban kay Executive Secretary Ralph Recto. 

Nag-ugat ito nang matiklo ng NBI sa isang entrapment operation ang talent manager na si Lito de Guzman at lima pang mga babae. 

Pinuga umano ni De Guzman sa NBI na nakipag-ugnayan sa kaniya si Paras upang kumuha ng mga babae at gumawa ng fabricate statement kung saan pinuwersa umano silang makipagtalik at gumamit ng ipinagbabawal na gamot. 

“Base sa kuwento noong iniimbestigahan, sasabihin daw na Executive Secretary, kumukuha doon sa bugaw na ito at pinipilit silang mag-drugs. Tapos pinipilit silang magkaroon ng sexual activities,” ani NBI Director Matibag sa panayam sa kaniya ng media noong Biyernes, Hulyo 31, 2026. 

Dagdag pa niya, “Umamin naman na itong babae na hindi niya kilala talaga si Executive Secretary, na hindi niya nakakasama. Nandodoon na ‘yon sa statement.” 

National

'Di makatarungang pagdungis!' Sen. Legarda, umalma sa Ombudsman

Ani Matibag, dapat daw na magpaliwanag sina Leviste at Paras sa isyung ito sa halip na maglabas lang ng mga pahayag sa social media. 

“Magbigay-linaw sila rito. Kasi mahirap naman kung sa social media mo lang itatanggi,” aniya. 

Diin niya, narinig na raw niya ang inilabas na pahayag ni ES Recto at talaga naman daw na sila ang mag-imbestiga sa naturang isyu dahil may koneksyon na raw ito sa iba’t ibang mga krimen. 

“Talaga namang iimbestigahan namin. Dahil ‘yon bang krimen na human trafficking, ‘yon pala, may karugtong na iba pang krimen at involve ‘yong mga personalities na kilala natin,” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ni Matibag, posible ring maharap sa disbarment ang mga napag-alaman nilang abogado na kasama sa mga pagpupulong at pagbubuo ng fabricated statement laban kay ES Rector. 

“Binanggit din, may mga abogadong kasama during ng mga meetings na pinaghahanda na ‘yong affidavit para kasuhan si ES. Magpa-fabricate ng kaso. So ‘yong mga abogadong involve dito, aalamin din namin. At the very least, disbarment ito sa mga abogado,” saad niya. 

“Hindi magandang pangitain. Umabot na tayo doon sa punto na gagawa-gawa ng istorya para sirain lang ‘yong mga hindi nila kaparehas na paniniwala sa larangan ng politika at pamumuno,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, naglabas naman na ng pahayag noon ding Biyernes si Leviste sa kaniyang Facebook post at mariin niyang itinangging may kinalaman siya sa pambababae umano ni ES Recto. 

“Wala akong kinalaman sa diumano’y pambababae ni Recto sa Rockwell. Mapapatunayang hindi ko kailanman nakausap ang mga taong ito. Maaaring si Recto ang sumagot kung kilala niya sila. Hindi ko nais makialam sa kanyang personal na buhay,” aniya. 

Batay rin sa mga lumabas na ulat, pinabulaanan din ni Paras ang naturang isyu at idiniin niyang “hearsay” o mga sabi-sabi lang daw ito. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Malinaw na malinaw 'yong kaso!' Ombudsman, magkakasa ng imbestigasyon vs Rep. Leviste, Sen. Loren