Inanunsyo sa publiko ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang nakatakda umano nilang pagkakasa ng preliminary investigation laban sa mag-inang sina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at Sen. Loren Legarda.
Kaugnay umano ito sa hinawakang eksklusibong kontrata ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPHI) na itinayo ni Leviste noong 2013, na siyang lubhang nakasira daw sa Republika ng Pilipinas.
Sa naging pahayag ni Remulla sa isinagawa nilang press conference nitong Biyernes, Hulyo 31, 2026, sinabi niyang hindi raw tumupad sina Leviste sa dapat at gampanin nilang gawin sa kanilang solar company.
“Sapagkat hindi naman sila tumupad sa kanilang dapat tuparin at hindi nila ginawa ‘yong dapat nilang gawin. Basta’t malinaw na malinaw ‘yong kaso na ang kanilang ginawa ay labag sa batas,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, malaki raw ang nawala sa mga Pilipino dahil sa “solar empire” ni Leviste, na siyang binenta na lang ng huli kalaunan nang hindi raw tumutupad sa kasunduan nito sa Republika ng bansa.
“Ang laki ng nawala sa ating mga Pilipino sa pagkakasalansan ng solar empire ni Leviste na ang nangyari naman ay ibinenta lang, hindi naman talaga tumupad sa pagpapakuryente ng ating Republika,” aniya.
Paliwanag niya, “Kasi kumuha sila ng exclusive service contracts sa buong Pilipinas na sila lang ang maaaring mag-produce, gumamit, at magbenta ng solar energy.”
Dagdag pa niya, “Na talagang taliwas naman sa batas ng Diyos kasi ang araw ay para sa lahat ng tao. Para silang naging nagmamay-ari ng araw, ng power ng araw, to the exclusion of other Filipinos, puwera na lang sa investors.”
Pagpapatuloy ni Remulla, may kaugnayan umano si Sen. Loren para makakuha ng eksklusibong kontrata ang anak niyang si Leviste sa kaniyang “solar empire” bilang chairman daw ng Senate Committee on Finance noon.
“Kay Loren? Hindi naman makukuha ng 21 years old, 21 lang si Leandro noon, e, ‘yong prangkisa na exclusives kung hindi tinulungan ng nanay niya, na chairman noon ng Finance Committee ng Senado,” ‘ika niya.
“At ginamit niya ‘yong kaniyang posisyon para makakuha ng prangkisa ‘yong anak niya,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Marami sa DDS, ayaw siya:' Leviste, lodi pa rin si Sen. Ping
KAUGNAY NA BALITA: May multa pang ₱24B? Kontrata ng Solar Philippines ni Leviste, terminated sa DOE!