July 11, 2026

Home BALITA National

'Marami sa DDS, ayaw siya:' Leviste, lodi pa rin si Sen. Ping

'Marami sa DDS, ayaw siya:' Leviste, lodi pa rin si Sen. Ping
Photo courtesy: Leandro Leviste

Ibinahagi sa publiko ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang paghanga umano niya kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson dahil sa kawalan daw nito ng pork barrel noon pa man. 

Matatandaang naging malaking anomalya sa pamahalaan ng Pilipinas noong 2013 ang “pork barrel” scam o Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, kung saan ilang mga politiko umano ang napag-alamang naugnay sa maanomalyang paggamit ng kani-kanilang pork barrel.

Sa ilalim ng nasabing scam, naidiin ang pangalan ni Janet Lim Napoles bilang isang businessman na sumasalo sa mga alokasyon ng PDAF ng mga politiko para sa mga bogus o pekeng non-government organization (NGOs).

KAUGNAY NA BALITA: 'Lusot na!' Enrile, Napoles, atbp, acquitted na sa PDAF scam

Sa naging pahayag naman ni Leviste sa panayam na inupload ng mamahayag at news anchor na si Bernadette Sembrano sa kaniyang YouTube channel noong Biyernes, Hulyo 10, 2026, sinabi ng mambabatas na ang mga anomalya raw sa ahensya ng public works ang pinili niyang labanan. 

National

Franco Mabanta kay Rep. Romualdez: 'Are you willing to k*ll me?'

Giit naman ni Leviste, “Pero I think generally, the cleanest solution is to reduce the size of government.” 

Pagkukuwento ni Leviste, naging maliit daw ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III dahil ayaw raw nila sa korapsyon. 

“Noong panahon naman ni PNoy, wala nga tayong deficit, e, may surplus pa nga tayo. Ang budget ng DPWH, mababa lang kasi takot silang gumastos kasi ayaw nila ng korapsyon,” ‘ika niya. 

Ani Leviste, si Lacson daw ang masasabi niyang magandang halimbawa ng isang taong walang bahid ng korapsyon kahit na marami sa mga kasamahan niya ang may ayaw sa senador. 

“‘Yong politiko na masasabi kong magandang halimbawa. Although marami naman sa mga kakampi ko ay hindi fan niya. Pero in this respect, kahanga-hanga siya. Si Senator Ping Lacson,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Leviste, marami daw kasing mga Duterte supporters o mga nasa panig ng pamilyang Duterte ang may ayaw kay Lacson, ngunit dapat daw na mabigyan ng pagkilala ang naturang senador dahil wala raw itong pork barrel simula pa man daw noong una. 

“Marami sa DDS, ayaw siya. Pero in this respect, dapat naman na bibigyan siya ng credit. Kasi siya ‘yong senador, mula sa simula, walang pork barrel,” pagtatapos niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Lacson kaugnay sa nasaad na ito ni Leviste. 

MAKI-BALITA: Leviste sa pag-okray ng QC sa INC rally: 'I'm thankful to Manila!'