July 30, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Pabigat sa bulsa! Magkano matitipid kung aalisin system loss charge sa electric bill?

Pabigat sa bulsa! Magkano matitipid kung aalisin system loss charge sa electric bill?
MB File Photo

Isa sa mga pinalakpakan at umani pa ng standing ovation sa mga dumalo sa idinaos na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang pagnanais niyang alisin na ang system loss charges na idinaragdag sa electric bills ng consumer ng Manila Electric Company (Meralco).

Matatandaang hinimok ni PBBM ang mga mambabatas na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para mapababa ang singil sa electric bill ng mga consumer.

"Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng systems loss. Kaya hindi naman tama na sila pa ang pagbabayarin dito. Therefore, we, the people, request—no, we demand—for the immediate amendment of the EPIRA and to prohibit charging systems loss against consumers, including the value added tax thereon," giit ng Pangulo.

Maki-Balita: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente

Ang EPIRA o Republic Act No. 9136 ay batas na nagreporma at nagsapribado sa industriya ng kuryente sa bansa noong 2001 upang isulong ang kompetisyon, makahikayat ng pribadong pamumuhunan, at mapahusay ang kahusayan sa paglikha, transmisyon, at distribusyon ng elektrisidad.

Human-Interest

Pinoy developer, gumawa ng app na nagbabantay sa pagdating ng LRT, MRT

Samantala, tila umalma naman dito si Meralco chairman Manny V. Pangilinan (MVP), dahil ang tanong niya, sino naman daw ang magbabalikat o magbabayad ng system loss charges kung aalisin ito sa mga consumer.

"It's a big bill for the industry because it cuts across generation, transmission, and distribution. The bill is too big for the industry to absorb all of it. So, there's got to be that discussion. It's going to impact the entire power industry in this country," aniya.

Binigyang-diin din niya na kailangang linawin kung sino ang sasagot sa mawawalang kita kapag tuluyang inalis ang system loss charge.

"It is not a small matter… So, who's going to pay for that? The industry? It's going to cost tens of billions of pesos. Will you not survive?" dagdag niya.

Maki-Balita: MVP pag inalis ang system loss charges: 'It is not a small matter, who's going to pay for that?'

ANO NGA BA ANG SYSTEM LOSS CHARGES?

Ayon nga sa mga ulat, ang system loss charges ay singil na hindi mo ginamit o ginagamit, pero binabayaran mo pa rin.

Kapag dumarating ang buwanang bill sa kuryente, karamihan sa mga consumer, agad tumitingin sa kabuuang halaga ng babayaran. Pero kung sisilipin ang detalye ng bill, may isang singilin na madalas hindi napapansin—system loss charge.

Sa pinakasimpleng paliwanag, tumutukoy ito sa diperensya sa pagitan ng dami ng kuryenteng naipadala ng power plant at ng dami ng kuryenteng aktuwal na naitala at nabayaran ng mga consumer.

Habang dumadaloy ang kuryente mula sa mga planta patungo sa mga bahay, negosyo, at establisimyento, may bahagi nito na nawawala sa proseso.

Hindi lahat ng pagkawala ng kuryente ay dahil sa kapabayaan.

May tinatawag na technical losses, na natural na nangyayari habang dumaraan ang kuryente sa mga transmission line, transformer, at iba pang kagamitan ng power system. Habang mas mahaba ang nilalakbay ng kuryente, may bahagi talaga itong nawawala bilang init o enerhiya.

Mayroon ding non-technical losses, na kinabibilangan ng ilegal na koneksyon, pagnanakaw ng kuryente, at pangingialam sa metro ng kuryente. Sa mga bara-barangay, tinatawag ang ilegal na koneksyon sa kuryente na "jumper."

BAKIT ITO KAILANGANG SINGILIN SA MGA CONSUMER?

Sa ilalim nga kasi ng EPIRA, pinapayagan ang mga distribution utility, gaya ng Meralco at mga electric cooperative, na mabawi ang bahagi ng system losses sa pamamagitan ng hiwalay na singil sa buwanang bill ng mga consumer. May itinakdang limitasyon ang Energy Regulatory Commission (ERC) kung gaano lamang kalaking system loss ang maaaring ipasa sa mga customer.

Sa madaling salita, kahit hindi ikaw ang sanhi ng pagkawala ng kuryente sa linya o ng ilegal na koneksyon ng ibang tao, bahagi pa rin ng system loss ang napupunta sa iyong buwanang bayarin.

GAANO KALAKI O KABIGAT ANG SYSTEM LOSS CHARGES?

Ayon sa datos ng Meralco, ang system loss charge ay karaniwang umaabot sa humigit-kumulang 5% ng kabuuang electric bill ng isang consumer.

Mula Enero hanggang Marso ng taong ito, nasa 5.72% ang system loss rate ng Meralco, mas mababa kumpara sa 5.85% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bagama’t tila maliit ang porsyento, kapag pinagsama-sama ang milyon-milyong consumer sa buong bansa, umaabot ito sa bilyon-bilyong piso bawat taon.

SINO NGAYON ANG SASALO SA GASTOS KAPAG NAWALA ITO?

Dito ngayon umiikot ang malaking debate.

Kaya nga nagbabala na rin si Meralco Chairman MVP na kung aalisin ang system loss charge, kailangang sagutin ng ibang sektor ang napakalaking halaga nito.

Ayon kay Pangilinan, aabot sa sampu-sampung bilyong piso ang mawawala sa industriya ng kuryente kung hindi na ito maipapasa sa mga consumer.

Aniya, maaapektuhan nito hindi lamang ang distribution utilities kundi maging ang generation at transmission sectors.

ANO ANG POSIBLENG SOLUSYON?

Sinabi naman ng Department of Energy (DOE) na isa sa mga tinitingnang hakbang ay ang pagpapautang ng National Electrification Administration (NEA) sa mga electric cooperative upang makapag-upgrade ng kanilang mga linya at pasilidad.

Sa pamamagitan nito, mababawasan ang technical losses at unti-unting liliit ang system loss nang hindi agad ipinapasa ang buong gastos sa mga consumer.

MAGKANO ANG MATITIPID NG MGA CONSUMER KAPAG NAALIS ANG SYSTEM LOSS CHARGES SA SINGIL SA KURYENTE?

Ayon kay DOE Undersecretary Mario Marasigan, noong Martes, Hulyo 28, makakapag-save ng 5% hanggang 10% per kilowatt hour ang mga consumer sa kanilang electric bill kapag tuluyan nang tinanggal ang charges na ito, batay sa paliwanag ni 

"It may result to about 5 to 10% kasi mayroon po tayong mga distribution utility na ang kanilang system losses ay can go as high as 16%."

"So, nakikita po natin immediate niyan is safe tayo sa 5% pero it can go as high as 10% per kilowatt hour," aniya pa. 

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa naaamyendahan ang EPIRA kaya mananatili pa rin sa pagbabayad ng system loss charge ang mga consumer.