Tila nagpahayag ng pangamba si Manila Electric Company (Meralco) Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan (MVP) sa panukalang alisin ang system loss charge sa singil sa kuryente ng mga consumer, kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Ayon kay Pangilinan, sa isinagawang media conference, at batay na rin sa mga ulat, hindi simpleng usapin ang pag-aalis ng naturang singilin dahil maaari itong magdulot ng malaking epekto sa buong industriya ng kuryente.
"It's a big bill for the industry because it cuts across generation, transmission, and distribution. The bill is too big for the industry to absorb all of it. So, there's got to be that discussion. It's going to impact the entire power industry in this country," aniya.
Binigyang-diin din niya na kailangang linawin kung sino ang sasagot sa mawawalang kita kapag tuluyang inalis ang system loss charge.
"It is not a small matter… So, who's going to pay for that? The industry? It's going to cost tens of billions of pesos. Will you not survive?" dagdag niya.
Matatandaang sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 27, hinimok ni PBBM ang Kongreso na agarang amyendahan ang EPIRA upang hindi na maipasa sa mga consumer ang system loss charge at maging ang kaukulang value-added tax (VAT) nito.
Maki-Balita: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente
Ang system loss ay tumutukoy sa diperensya sa pagitan ng kabuuang kuryenteng nalilikha ng mga power plant at ng aktuwal na kuryenteng naihahatid at nababayaran ng mga end-user.
Ayon sa mga eksperto sa enerhiya, may dalawang pangunahing dahilan ng system loss. Una ay ang technical losses, na dulot ng natural na pagkawala ng bahagi ng kuryente habang dumadaloy ito sa mga transmission at distribution lines, transformer, at iba pang pasilidad ng power system.
Ikalawa naman ay ang non-technical losses, na kinabibilangan ng ilegal na koneksyon at pagnanakaw ng kuryente.
Samantala, sinabi ng Department of Energy (DOE) na pinag-aaralan ang mga hakbang upang mabawasan ang system loss nang hindi agad ipinapasa ang epekto nito sa mga consumer.
Isa raw sa mga opsyong tinitingnan ng ahensya ay ang pagpapautang ng National Electrification Administration (NEA) sa mga electric cooperative upang makapag-upgrade ng kanilang mga pasilidad at mapaunlad ang kanilang distribution system. Layunin nitong mabawasan ang pagkawala ng kuryente sa linya at mapababa ang system losses sa paglipas ng panahon.