'HINDI NAMAN KASALANAN NG CONSUMER'
Dahil sa hinaing na taumbayan na pababain ang presyo ng kuryente sa bansa, pinatatanggal na ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang system loss charge na sinisingil sa mga consumer ng kuryente.
Sinabi niya ito sa kaniyang talumpati sa State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 27, kung saan nakakuha ang pangulo ng malakas na palakpakan at standing ovation sa Batasang Pambansa.
"Sa lahat ng ginagawa natin sa sektor ng enerhiya, malinaw din sa pamahalaan ang hinaing ng taumbayan na pababain ang presyo ng kuryente sa bansa," saad ni Marcos.
"At kung pagbawas ng presyo ang usapan, sa aking palagay, panahon na para tanggalin na ang systems loss na ipinapasa sa consumer," saad ng Pangulo.
Dagdag pa niya, "Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng systems loss. Kaya hindi naman tama na sila pa ang pagbabayarin dito."
Dahil dito, nanawagan si Marcos na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang mapababa ang singil sa kuryente.
"Therefore, we, the people, request—no, we demand—for the immediate amendment of the EPIRA and to prohibit charging systems loss against consumers, including the value added tax thereon," giit ng Pangulo.
Ang EPIRA o Republic Act No. 9136 ay batas na nagreporma at nagsapribado sa industriya ng kuryente sa bansa noong 2001 upang isulong ang kompetisyon, makahikayat ng pribadong pamumuhunan, at mapahusay ang kahusayan sa paglikha, transmisyon, at distribusyon ng elektrisidad.
Sa ilalim ng kasalukuyang mga regulasyong nagpapatupad ng EPIRA, pinapayagan ang mga distribution utility na ipasa sa mga consumer ang bahagi ng systems loss—o ang pagkawala ng kuryente habang ito ay dumaraan sa transmission at distribution dahil sa technical losses at sa itinakdang limitasyon ng batas, non-technical losses gaya ng ilegal na koneksyon o pagnanakaw ng kuryente—sa pamamagitan ng systems loss charge na nakapaloob sa buwanang singil sa kuryente.
Kasabay ng panukalang pag-amyenda sa EPIRA, nanawagan din si Marcos sa Kongreso na ipasa ang panukalang "Sariling Kuryente" Act upang gawing mas madali at mas abot-kaya para sa mga kabahayan ang paglalagay ng rooftop solar panels at battery storage systems.
"Upang maging simple, madali, at abot-kaya ang pagpapakabit ng solar panels at battery storage system sa kanilang mga bahay, hinihiling ko ang tulong ng Kongreso para maipasa ang 'Sariling Kuryente' Act."
Tumagal ang SONA ng pangulo ngayong taon ng 1 oras at 26 na minuto.