Naalarma ang mga residente ng Sitio Piogong, Cuyo, Palawan nang lumutang ang isang kakaibang apoy sa kalangitan bandang 6:30 ng gabi, noong Miyerkules, Hulyo 29.
Mapapanood sa video ng netizen na si Melin Nodalo Remo na bagama’t walang maririnig na anumang pagsabog, nagmistulang malaking apoy ang nag-aalab na liwanag sa kalangitan, na partikular na namataan malapit sa isla ng Silad, sa tapat ng Sitio Piogong.
Dahil kasalukuyan nang umani ng 1.3K reactions ang nasabing video, hindi napigilang ipahayag ng maraming netizens ang kanilang haka-haka kung saan o ano ang tila lumulutang na bolang apoy.
“Baka portal yan papunta sa biringan”
KAUGNAY NA BALITA: 'Biringan Found!' Mahiwagang lugar ng mga engkanto, nabanggit sa isang lumang dokumento
“Ingat po, baka rocket yan”
“End of the world na ..umpisa na yan”
“Santermo ‘[y]an lods.”
“Debris rocket yan po”
“Nagpalipad na naman ang china ng rocket”
Sa kaugnay na ulat, naglabas ng abiso ang Philippine Space Agency (PhilSA) nitong Huwebes, Hulyo 30, na paliliparin ng China ang kanilang “Long March 6A” rocket sa darating na Biyernes, Hulyo 31, mula sa Taiyuan Satellite Launch Center, sa Xinzhou, Shanxi Province.
Ang debris mula sa rocket launch na ito ay inaasahang mahuhulog sa mga sumusunod na drop zone (DZ):
- Tinatayang 83 nautical miles (NM) palayo sa Dalupiri Island, Cagayan
- Tinatayang 88 NM palayo sa Babuyan Island
- Tinatayang 104 NM palayo sa Burgos, Ilocos Norte.