June 07, 2026

Home FEATURES Human-Interest

'Biringan Found!' Mahiwagang lugar ng mga engkanto, nabanggit sa isang lumang dokumento

'Biringan Found!' Mahiwagang lugar ng mga engkanto, nabanggit sa isang lumang dokumento
Photo courtesy: Jhonil Bajado (FB)

Sa loob ng maraming taon, itinuturing na alamat at kuwento-kuwento lamang ang tungkol sa mahiwagang lungsod ng Biringan—isang sinasabing tagong siyudad ng mga engkanto na matatagpuan umano sa lalawigan ng Samar.

Ngunit muling nabuhay ang usapin tungkol dito matapos ibunyag ng isang history professor mula sa Samar State University ang isang lumang dokumento noong panahon ng mga Espanyol, na bumanggit at tumutukoy sa isang aktuwal na lugar na tinatawag na "Sitio de Beringan," na posibleng may kaugnayan sa pinagmulan ng isa sa mga pinakasikat na alamat sa Kabisayaan.

Sa kaniyang viral post noong Sabado, Hunyo 6, ibinahagi ni Prof. Jhonil Bajado ang isang lumang dokumento mula pa sa panahon ng mga Espanyol na tumutukoy sa isang lugar na tinatawag na "Sitio de Beringan" sa dating hurisdiksyon ng Pagsanghan at Tarangnan sa Samar.

Matagal nang bahagi ng alamat at kuwentong-bayan sa Samar ang Biringan, na inilalarawan bilang isang misteryosong siyudad ng mga engkanto na umano'y matatagpuan sa pagitan ng mga bayan ng Gandara, Tarangnan, at Pagsanghan. Ayon sa mga kuwento, isa itong nakatagong lungsod na hindi nakikita ng ordinaryong tao at lumilitaw lamang sa mga piling nilalang o indibidwal.

Ngunit ayon kay Bajado, maaaring may historikal na pinagmulan ang naturang alamat.

Human-Interest

Ang ‘4H Learning Continuity’ ng DepEd para sa mga paaralan sa kasagsagan ng sakuna

Batay sa dokumentong kaniyang inilabas, isang deed of sale o kasulatan ng bentahan ng lupa ang naglalaman ng pahayag na nagsasabing ang lupain ay matatagpuan sa "sitio de Beringan" sa Barrio de Pagsanghan, Tarangnan.

Nakasaad din umano sa dokumento ang eksaktong lawak ng lupain na tatlong ektarya, halaga ng bentahan na 40 piso, at maging ang mga pangalan ng katabing may-ari ng lupa at ng Simbahang Katolika.

Para kay Bajado, mahalaga ang mga detalyeng ito dahil nagpapakita umano na ang Beringan o Biringan ay isang aktuwal na lugar na kinikilala noon ng kolonyal na pamahalaan at bahagi ng opisyal na mga rekord.

Ayon sa history professor, posibleng hindi bunga ng mahika o kababalaghan ang pagiging "nawawala" ng Biringan kundi resulta ng pagbabago sa mga hangganan ng mga bayan, pagkawala nito sa mga mapa, at pag-usbong ng mga alamat sa paglipas ng panahon.

Ipinaliwanag din niyang karaniwan sa wikang Waray ang pagpapalit ng tunog ng mga patinig na "e" at "i," kaya posibleng ang "Beringan" na nakatala sa dokumento ay siya ring "Biringan" na kilala sa mga alamat ngayon.

Sa pagsusuri pa niya, naglatag si Bajado ng ilang posibleng dahilan kung bakit naging bahagi ng alamat ang dating lugar. Kabilang dito ang pagiging liblib ng lugar, pag-abandona sa maliliit na pamayanan dahil sa kalamidad o pagbabago ng ekonomiya, at ang paniniwala ng mga sinaunang pamayanan na ang mga napabayaang lugar ay pag-aari ng mga engkanto o espiritu ng kalikasan.

Gayunman, hindi naman direktang sinabi ng history professor na napatunayan na ang pag-iral ng misteryosong lungsod ng mga engkanto.

Sa halip, binigyang-diin niya na ang natuklasang dokumento ay nagpapakita lamang na may totoong lugar na tinatawag na Beringan sa Samar at maaaring dito nagmula ang alamat na kalauna'y lumawak at naging bahagi ng kolektibong imahinasyon ng mga taga-Samar.

Nanawagan din si Bajado sa mga historyador, kartograpo, at lokal na pamahalaan na magsagawa pa ng mas malalim na pananaliksik sa mga lumang rekord, mapa, at dokumento upang higit pang masuri ang kasaysayan ng mga nawawalang sitio sa hangganan ng Pagsanghan at Tarangnan.

Sa ngayon, patuloy na nananatiling palaisipan kung ang maalamat na Biringan ay isang lungsod ng mga engkanto o isang nakalimutang pamayanan na natabunan lamang ng panahon at alamat.

Ngunit para sa maraming netizen, muling binuhay ng viral na post ang isa sa mga pinakakilalang misteryo sa kasaysayan at kultura ng Samar.