July 31, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Pinoy developer sa likod ng app na nagbabantay sa pagdating ng LRT, MRT

#BalitaExclusives: Pinoy developer sa likod ng app na nagbabantay sa pagdating ng LRT, MRT
PHOTO COURTESY: MB, RJ Crusem

Tila inaabangan na ng maraming commuters ang nalalapit na paglabas ng mobile application na “TrainSight,” isang platapormang binuo ng isang Pinoy developer upang makapagbigay ng “real-time” monitoring sa galaw ng Light Rail Transit (LRT)-1 at 2, at Metro Rail Transit (MRT)-3 trains. 

Bukod sa monitoring, maaalerto rin ng “TrainSight” ang mga pasahero ng LRT at MRT sa mga posibleng antala ng mga tren, na makatutulong sa mga ito na makapagdesisyon sa kanilang pagbiyahe habang naghihintay sa istasyon o bago pa man pumasok dito. 

MAKI-BALITA: Pinoy developer, gumawa ng app na nagbabantay sa pagdating ng LRT, MRT

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa developer na si RJ Crusem, ibinahagi niyang nagsimula ang TrainSight noong 2025, at naging inspirasyon niya rito ay ang “Flightradar24,” isang global internet service na nagpapakita ng real-time information sa mga bumabiyaheng eroplano. 

Aniya pa, naisipan niyang bumuo ng sariling application dahil sa karanasang paghihintay sa istasyon sa loob ng 25 hanggang 30 minuto–nang walang anumang abiso sa pagkakaantala ng tren. 

Human-Interest

Baka ginagawa ng kapitbahay mo ang isa? Dalawang uri ng system loss na binabayaran ng consumer sa Meralco!

“Yung pinaka-inspiration niya is si Flightradar24, na pang-planes. That time kasi, I just got stuck in the [train] station, I’ve been waiting for roughly, 25 to 30 minutes, wala pang dumadating na train, wala pang announcement, na nagkaroon ng aberya,” pagbabalik-tanaw ni RJ.

“So, for me, as someone na nagbabiyahe, naghahabol ng oras. Dati pa kasi daily ako nagta-travel from Cavite to Mandaluyong. Hindi lang naman fare yung sayang do’n kung hindi pati yung time. Do’n ko napagtanto na, ‘what if we can see where the trains are,’ ma-observe din natin kung nagkakaroon sila ng pagbabagal, ng delays, so we can decide early on, magkaroon ng variables para ma-save yung time and money,” dagdag pa niya. 

Ibinahagi pa ni RJ na sa kasalukuyan, mayroon na siyang team na binubuo ng walong tao upang patuloy na mapaandar ang TrainSight. 

“Yung core ‘Dev Team,’ tatlo kami. Yung isa, he’s the one building the hardware–may binubuo kaming hardware tracker. Tapos may supporting teams na rin na nag-hahandle ng Facebook page for the posting, communications, and testing na rin,” paliwanag ni RJ.

Binanggit ni RJ na bagama’t naurong sa Agosto ang mobile application release ng TrainSight dahil sa ilang delay na nadaanan nito, handa na ito para ma-download at magamit ng publiko nang libre. 

“Nagkaroon lang po ng kaunting delay sa end ni Google Play Store kaya na-move siya ng August. [Pero] the app itself, ready na,” paglilinaw ni RJ.

Dagdag pa niya, sa android phones pa lamang magiging downloadable ang TrainSight sa Agosto.

Sa Oktubre naman magiging available ang naturang application sa IOS-operated phones. 

Ibinahagi rin ni RJ na sabay nilang tinatrabaho ngayon ang iba pang development ng TrainSight at ang “future plans” nila para rito. 

“Sa ngayon, I’m still receiving bug reports, inaayos ko pa rin naman. Tine-test and valid ko pa rin from the ground,” ani RJ.

Ikinuwento pa niya na nakipag-ugnayan na ang kaniyang team sa Department of Transportation (DOTr) at sinabi raw nito sa kanila na ipagpatuloy ang “refining” ng TrainSight at ipagpatuloy ang pasasaayos sa ilang sistema rito tulad ng trackers. 

“We also pitched this with DOTr. They liked the idea but they also wanted us to refine it [TrainSight] and to cover yung mga kailangan, like for the trackers. We got a ‘green light’ naman kung sakaling mag-testing or mag-pilot nung hardware trackers namin, with LRT-2,” paliwanag ni RJ. 

Bukod dito, kausap na rin daw nila RJ ang AF Payments, na pamunuan sa likod ng Beep cards para naman sa ilang “data sharing agreements.” 

Inihahanda na rin daw nila RJ ang TrainSight para sa mga proyektong MRT-7, Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway (NSCR) ng pamahalaan. 

Dagdag pa ni RJ, bukod din sa mga tren, nais pa nilang i-extend ang TrainSight para sa mga bus. Sa kasalukuyan, nasa paunang testing stages na raw ito. 

“Actually, as of the moment, I tested it on the BGC bus. Hindi ko pa siya nilalabas sa mismong server, it’s just running locally on my laptop, to compare it,” paliwanag ni RJ.

“Hopefully this year, mailabas na namin yung road version ni TrainSight,” hiling ni RJ. 

Kaugnay nito, matatandaang may binuong GPS-based passenger information display system (PIDS) prototype device para rin sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3 ang isang engineering fresh grad para sa commuters.

Sa pamamagitan ng prototype device na ito, tinutumbok ang lokasyon, oras ng pag-alis at pagdating ng tren gamit ang Global Positioning System (GPS).

Sa display screen, ipinapakita ang iba pang impormasyon tulad ng petsa, oras, at anong pinto ang magbubukas upang hindi lumagpas ang mga pasahero sa bababaan nilang istasyon. 

MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: GPS-based device, proyekto ng isang Engineering fresh grad para sa commuters