Bumuo ng isang GPS-based passenger information display system (PIDS) ang isang Mechanical Engineering fresh graduate, sa layong makatulong sa mga pasahero ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Sa pinag-uusapang social media post ng engineering fresh graduate na si Clyde Corpuz, makikitang gumawa siya ng isang GPS-based passenger information display system (PIDS) prototype device para sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Kinukuha ng nasabing device ang lokasyon ng tren gamit ang Global Positioning System (GPS) at tinutumbok ang lokasyon, oras ng pag-alis, at pagdating sa istasyon.
Ipinapakita rin sa display screen ang iba pang impormasyon tulad ng petsa, oras, at kung anong pinto ang magbubukas, para hindi lumagpas ang mga pasahero sa bababaang istasyon ng mga ito.
“I recently made a handheld prototype device for a GPS-based passenger information display system (PIDS) for use in LRT-1, LRT-2, and MRT-3. It detects the location, departure, approach, and arrival of the currently boarded train. It also provides useful information, such as the current station, next station, which doors will open, transfers to other lines, and train direction,” saad sa nasabing post.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Clyde, ipinaliwanag niya paano ito eksaktong gumagana.
“So, the way my prototype works, it gets the current location using the GPS, and it measures the distance to the stations. ‘Yong coordinates ng stations, naka-save siya sa SD card, doon sa device. Doon niya malalaman kung anong station na siya and kung ano ‘yong mga susunod,” paliwanag ni Clyde.
“It also calculates ‘yong speed to determine kung umaandar na ba ‘yong tren or if naka-stop. Using these, ina-update niya ‘yong screen para mapakita ‘yong appropriate information. Aside from that, may other information din as well like ‘yong time and date, which side the doors will open per station, and may warning din siya if nasa last [station] ka na,” dagdag pa niya.
Nais din daw ni Clyde na mapadali para sa mga pasahero na malaman kung nasaang istasyon na sila sa kalagitnaan ng biyahe, dahil kumpara raw sa ibang bansa, dito sa Pilipinas, kinakailangan pang basahin ang buong ruta ng tren bago malaman kung nasaang istasyon na.
“I-compare mo sa ibang bansa, kita agad ‘yong information. Hindi mo na kailangan basahin muna ‘yong buong route map. Kasi dito [sa Pilipinas], para kang nagma-math. Ayon nga, kailangan mo muna makita ‘yong lahat ng istasyon, tas alamin mo kung anong station ka, tas doon mo pa lang malalaman kung ilang station bago bumaba. Sobrang laking tulong talaga kapag may ganitong system, ‘yong passenger information,” ani Clyde.
“Kasi kita mo na agad ‘yong information. Hindi mo na kailangan i-process. Lalo na ‘to sa mga ano, since karamihan ng mga pasahero natin, galing sa trabaho, galing sa school, pagod na sila. Imagine, pagod na sila, tapos kailangan pa nilang i-process ‘yong mga station kung ganoon. Lalo na kapag bago ka pa lang. Paano pa ‘yong mga galing probinsya, hindi sila sanay sa mga tren. Isa pa ‘yong stress dahil sobrang siksikan,” dagdag pa niya, bilang pakikisimpatya sa kalimitang lagay ng maraming pasahero.
Sa pamamagitan ng kaniyang PIDS prototype, naniniwala si Clyde na makakatulong ito para makabawas na sa mental load ng mga pasahero, at mas mapapadali ang commute ng mga ito.
Isa pa ay makatutulong pa raw ito sa PWDs, partikular sa mga nasa deaf community, na hindi naririnig ang mga anunsyo ng driver sa tren.
Aniya pa, marami raw ang nagtatanong sa kaniya sa social media bakit hindi gawing app ang prototype niya, kasi raw lahat naman ng pasahero, may phone.
Ipinaliwanag niya na ang end goal ng proyekto niya ay para mailagay sa malaking screen sa loob ng mga tren at makontrol ang mga anunsyo, lalo na sa mga lumang tren na walang automated announcements.
“Ang end goal kasi talaga ng project ko, ‘yong device na nagagamit [at] at nai-implement sa loob ng tren. ‘Yong pinaka-base system kasi ng device ko, ng prototype at ‘yong code niya, puwede siyang i-adapt para makabit sa malaking screen na nasa loob ng tren at mag-control ng announcements,” saad ni Clyde.
“So, this is especially good sa mga lumang tren na walang automated announcements. I could also see potential in this kind of system [and] ‘yong ibang transit modes like buses na may designated stops, maybe sa EDSA Carousel, Cebu BRT [Bus Rapid Transit], to name a few,” aniya pa.
Tungkol sa kuwento sa likod ng development ng PIDS prototype, matagal na raw niyang naisip ito ngunit noon lamang nakaraang buwan, nagkaroon siya ng inspirasyong ituloy ang proyekto mula sa isang concept art ng PIDS mula sa isa pang netizen.
“Naisip ko na siya before, pero naisip ko kasi, kapag gumawa ko ng ganito, may practical use case ba siya? Kung ako lang, kung hindi siya i-implement ng transit institutions, transit companies. Kung ako lang, parang di naman siguro,” kuwento ni Clyde.
“Later on, siguro around last month lang, may nag-post ng concept art for their own design of passenger information display system. Na-tag ko siya sa post, si Emman Aquino. We don't know each other personally. Siguro we only had some contact when I told him na ginagawa ko 'yong project ko. But I did credit him for the inspiration. That was just November 26, and nung pa lang siya talaga ini-start and I finished December 19,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung nakikita ba niya ang sarili na nagbibigay ng serbisyo niya sa pamahalaan, ibinahagi ni Clyde na bilang fresh graduate ng Mechanical Engineering, at kasalukuyang naghahanda sa board exams, layon din daw talaga niyang makatulong sa publiko, gamit ang kaalaman at kakayahan.
“Currently, I'm working on boards. Pero kasi even before, back in high school and college, I already wanted to help out, to lend a hand. I want to contribute my skills and knowledge, to help improve our mass transit here in the Philippines,” saad ni Clyde.
“Kasi, not just in the big things like ‘yong infrastructure. I can also do that. I'm a mechanical engineering graduate. But also, the small things like this, yung signages, ‘yong passenger information systems. Ito 'yong mga tumutulong sa commuters lalo na yung mga may disabilities para maging smooth 'yong pagbyahe nila. It could also help bring new riders and increase ridership,” paliwanag pa niya.
Naniniwala rin daw si Clyde na isa ang pagsasaayos ng sistema sa mga tren para masolusyonan ang patuloy na paglala ng trapiko sa bansa.
“Lately, nagkaroon ng data na parang bumababa yung ridership ng mga train lines, like LRT-1. Nag-publish sila ng yearly riderships nila. I really want more people to ride public transport because I really believe that it is the solution to our country's worsening traffic. We need more of it. We need them to be accessible to all,” aniya pa.
Binanggit pa ni Clyde na bagama’t personal niyang project ang PIDS prototype, bukas siya sa posibilidad na tumulong sa mga ahensya kung bibigyan ng pagkakataon.
“It's just my project for now, pero if the agencies would like to tap me on doing work for them, as a worker, you would expect to be compensated for your hard work and your knowledge and all of that. Pero, hindi naman number one goal ko is yung pagkakitaan yung project. I just really, really want to help all of the commuters and to help improve our transit system here,” saad pa ni Clyde.
Sean Antonio/BALITA