“Paparating na ba yung tren? Ang tagal!?”
Ito ang hinaing ng maraming commuters sa bansa na nilayong solusyonan ng isang Pinoy developer sa pagbuo niya ng app na nagbibigay ng “real-time” monitoring at update kung nasaang istasyon na ang Light Rail Transit (LRT)-1 at 2, at Metro Rail Transit (MRT)-3 trains.
Sa Facebook post ng “TrainSight App” noong Hunyo, ibinahagi nilang ito ay isang commuter-first rail visibility at transport mobility platform na binuo upang mabantayan ng mga pasahero ang paggalaw ng tren, estimated time arrival nito, at kondisyon ng mga istasyon.
Sa pamamagitan din ng TrainSight App, maaalerto ang mga pasahero sa mga posibleng antala, na makatutulong sa mga ito na makapagdesisyon sa kanilang pagbiyahe habang naghihintay sa LRT o MRT station o bago pa man pumasok dito.
Nilinaw naman ng TrainSight App na hindi nito papalitan ang mga opisyal na abiso ng LRT at MRT, bagkus, suporta ito ng commuters upang magkaroon ng mas accessible na impormasyon sa kanilang pagbiyahe.
Tiniyak din ng app na maaari na silang ma-download sa Google Play Store para sa Android devices ngayong Hulyo 2026.
Sa hiwalay na post ng developer nitong si Rhey Jen Crusem, binanggit niyang layon din niyang bigyan ng kalinawan ang commuters sa pamamagitan ng datos at kalinangan.
“As a developer and engineer, I knew we could do better. TrainSight was born from a simple belief: commuters deserve clarity,” saad ni Crusem.
Aniya pa, bukod sa codes na bumubuo sa likod nito, ang TrainSight app ay pakikisimpatya para sa araw-araw na kalbaryo ng commuters, at sa pamamagitan nito, naniniwala siyang malaking bagay ito upang mabawasan ang stress na nararanasan ng mga ito sa kanilang pagbiyahe.
“This isn’t just code. This is empathy translated into technology. And if one less person gets stressed sa biyahe dahil dito, then it’s already worth it,” paniniwala ni Crusem.