Pumanaw na ang isang college instructor na ilang araw na nakipaglaban para sa kaniyang buhay matapos umanong pagsusuntukin ng isang 19-anyos na lalaki sa New Washington, Aklan.
Batay sa imbestigasyon ng New Washington Municipal Police Station, naganap ang insidente noong Hulyo 26 sa Barangay Mabilo habang may idinaraos na advance graduation celebration sa lugar.
Ayon sa pulisya, nauwi sa pagtatalo ang biktima at ang suspek sa kasiyahan. Bagama't papauwi na ang guro upang iwasan ang komprontasyon, sinundan umano siya ng suspek at doon isinagawa ang pananakit.
Dahil sa tinamong matinding pinsala, isinugod ang biktima sa ospital kung saan siya sumailalim sa gamutan.
Gayunman, idineklara siyang patay noong Martes, Hulyo 28, dalawang araw matapos ang insidente.
Kasunod ng pagkamatay ng biktima, binago ng mga awtoridad ang kasong isinampa laban sa suspek. Mula sa naunang reklamong frustrated homicide, inamyendahan na ito sa mas mabigat na kasong homicide.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang 19-anyos na suspek habang nagpapatuloy ang inquest proceedings at paghahanda ng kaukulang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso sa korte.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pangyayari at ang naging ugat ng alitan na humantong sa pagkamatay ng guro.