July 30, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Baka ginagawa ng kapitbahay mo ang isa? Dalawang uri ng system loss na binabayaran ng consumer sa Meralco!

Baka ginagawa ng kapitbahay mo ang isa? Dalawang uri ng system loss na binabayaran ng consumer sa Meralco!
MB File Photo

Malaking usapin ngayon ang sinasabing "system loss charges" na gustong ipatanggal ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 27, na dumaragdag sa singil sa electric bills ng consumer ng Manila Electric Company (Meralco).

Panawagan ni PBBM sa Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para mapababa ang singil sa electric bill ng mga consumer.

"Hindi naman kasalanan ng consumer kung bakit nagkaroon ng systems loss. Kaya hindi naman tama na sila pa ang pagbabayarin dito. Therefore, we, the people, request—no, we demand—for the immediate amendment of the EPIRA and to prohibit charging systems loss against consumers, including the value added tax thereon," giit ng Pangulo.

Maki-Balita: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente

Ang EPIRA o Republic Act No. 9136 ay batas na nagreporma at nagsapribado sa industriya ng kuryente sa bansa noong 2001 upang isulong ang kompetisyon, makahikayat ng pribadong pamumuhunan, at mapahusay ang kahusayan sa paglikha, transmisyon, at distribusyon ng elektrisidad.

Human-Interest

Pabigat sa bulsa! Magkano matitipid kung aalisin system loss charge sa electric bill?

Samantala, tila umalma naman dito si Meralco chairman Manny V. Pangilinan (MVP), dahil ang tanong niya, sino naman daw ang magbabalikat o magbabayad ng system loss charges kung aalisin ito sa mga consumer.

"It's a big bill for the industry because it cuts across generation, transmission, and distribution. The bill is too big for the industry to absorb all of it. So, there's got to be that discussion. It's going to impact the entire power industry in this country," aniya.

Binigyang-diin din niya na kailangang linawin kung sino ang sasagot sa mawawalang kita kapag tuluyang inalis ang system loss charge.

"It is not a small matter… So, who's going to pay for that? The industry? It's going to cost tens of billions of pesos. Will you not survive?" dagdag niya.

Maki-Balita: MVP pag inalis ang system loss charges: 'It is not a small matter, who's going to pay for that?'

Nitong Huwebes, Hulyo 30, sa isinagawang committee hearing ng Senate Committee on Energy, kasama ang Committee on Public Service, Ways and Means, and Finance, tila may sagot naman si Senate President Win Gatchalian sa tanong na ito ni Pangilinan. 

Aniya, "“Obviously, ayaw namin, mga konsyumer, na sagutin yun. Nakikita naming sasagot noon, obviously yung distribution company. It will be part of their cost or expense in generating or transmitting electricity,” ani Gatchalian.

Maki-Balita: SP Win kay MVP sa sasagot sa system loss charge: 'Obviously yung distribution company!'

Tila "pinagalitan" naman ni Sen. Erwin Tulfo ang Meralco tungkol dito pagkambyo ng kompanya sa mga consumer pagdating sa losses.

“Lahat ng lang pina-pass on. Napakagandang negosyo pala nito. Hindi ko naisip. Sana nagtayo na lang ako ng electric company rin para generation, distribution, napakasarap pala ng negosyo na ito, walang losses. Sa tao ninyo lagi sinisingil,” tirada niya.

“Kawawa ang taumbayan. Sir, hindi po tayo mayaman na bansa,” pagtatapos pa niya.

Maki-Balita: 'Di na namin problema 'yon!' Sen. Erwin, binanatan aberya ng Meralco sa jumper, system loss!

Ayon sa Meralco, ang system loss charges ay singil na hindi mo ginamit o ginagamit, pero binabayaran mo pa rin.

Kapag dumarating ang buwanang bill sa kuryente, karamihan sa mga consumer, agad tumitingin sa kabuuang halaga ng babayaran. Pero kung sisilipin ang detalye ng bill, may isang singilin na madalas hindi napapansin—system loss charge.

Sa pinakasimpleng paliwanag, tumutukoy ito sa diperensya sa pagitan ng dami ng kuryenteng naipadala ng power plant at ng dami ng kuryenteng aktuwal na naitala at nabayaran ng mga consumer.

Habang dumadaloy ang kuryente mula sa mga planta patungo sa mga bahay, negosyo, at establisimyento, may bahagi nito na nawawala sa proseso.

Hindi lahat ng pagkawala ng kuryente ay dahil sa kapabayaan.

Kaya naman, may dalawang uri ng system loss: technical at non-technical losses.

May tinatawag na technical losses, na natural na nangyayari habang dumaraan ang kuryente sa mga transmission line, transformer, at iba pang kagamitan ng power system.

Habang mas mahaba ang nilalakbay ng kuryente, may bahagi talaga itong nawawala bilang init o enerhiya.

Maaari ding nalulusaw ang energy dahil sa pag-init ng mga kable.

Mayroon ding non-technical losses, na kinabibilangan ng ilegal na koneksyon, pagnanakaw ng kuryente, at pangingialam sa metro ng kuryente. Sa mga bara-barangay, tinatawag ang ilegal na koneksyon sa kuryente na "jumper." 

Kaya naman hangga't kaya, maaaring magsumbong sa Meralco kung sakaling may kilalang kapitbahay na nagja-jumper. 

Sa ilalim nga kasi ng EPIRA, pinapayagan ang mga distribution utility, gaya ng Meralco at mga electric cooperative, na mabawi ang bahagi ng system losses sa pamamagitan ng hiwalay na singil sa buwanang bill ng mga consumer. May itinakdang limitasyon ang Energy Regulatory Commission (ERC) kung gaano lamang kalaking system loss ang maaaring ipasa sa mga customer.

Sa madaling salita, kahit hindi ikaw ang sanhi ng pagkawala ng kuryente sa linya o ng ilegal na koneksyon ng ibang tao, bahagi pa rin ng system loss ang napupunta sa buwanang bayarin.

Ayon sa datos ng Meralco, ang system loss charge ay karaniwang umaabot sa humigit-kumulang 5% ng kabuuang electric bill ng isang consumer.

Mula Enero hanggang Marso ng taong ito, nasa 5.72% ang system loss rate ng Meralco, mas mababa kumpara sa 5.85% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bagama’t tila maliit ang porsyento, kapag pinagsama-sama ang milyon-milyong consumer sa buong bansa, umaabot ito sa bilyon-bilyong piso bawat taon.

Kaya nga nagbabala na rin si Meralco Chairman MVP na kung aalisin ang system loss charge, kailangang sagutin ng ibang sektor ang napakalaking halaga nito.

Ayon kay Pangilinan, aabot sa sampu-sampung bilyong piso ang mawawala sa industriya ng kuryente kung hindi na ito maipapasa sa mga consumer.

Aniya, maaapektuhan nito hindi lamang ang distribution utilities kundi maging ang generation at transmission sectors.

Sinabi naman ng Department of Energy (DOE) na isa sa mga tinitingnang hakbang ay ang pagpapautang ng National Electrification Administration (NEA) sa mga electric cooperative upang makapag-upgrade ng kanilang mga linya at pasilidad.

Sa pamamagitan nito, mababawasan ang technical losses at unti-unting liliit ang system loss nang hindi agad ipinapasa ang buong gastos sa mga consumer.

Maki-Balita: Pabigat sa bulsa! Magkano matitipid kung aalisin system loss charge sa electric bill?

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa naaamyendahan ang EPIRA kaya mananatili pa rin sa pagbabayad ng system loss charge ang mga consumer.