Nilinaw ni Senate President Win Gatchalian na hindi dapat ang mga consumer ang magbayad sa system loss charge kung tuluyang aalisin ito sa buwanang singil sa kuryente, taliwas sa pangambang inihayag ng Manila Electric Company (Meralco).
Ang pahayag ni Gatchalian ay tugon sa tanong ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan (MVP) kung sino ang sasalo sa gastos kapag hindi na ipinasa sa mga konsyumer ang system loss charge.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy nitong Miyerkules, Hulyo 30, diretsahan ang naging sagot ng Senate President.
“Obviously, ayaw namin, mga konsyumer, na sagutin ’yun. Nakikita naming sasagot noon, obviously ’yung distribution company. It will be part of their cost or expense in generating or transmitting electricity,” ani Gatchalian.
Nauna rito, nagpahayag ng pangamba si MVP matapos hilingin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang system loss charge at ang kaugnay nitong value-added tax (VAT) sa electric bill ng mga consumer.
Maki-Balita: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente
Ayon kay Pangilinan, aabot sa sampu-sampung bilyong piso ang maaaring maging epekto ng panukala sa industriya ng kuryente.
Iginiit pa niya na hindi lamang mga distribution utility ang maaapektuhan kundi maging ang generation at transmission sectors, kaya mahalagang matukoy kung sino ang sasalo sa naturang gastos.
"It's a big bill for the industry because it cuts across generation, transmission, and distribution. The bill is too big for the industry to absorb all of it. So, there's got to be that discussion. It's going to impact the entire power industry in this country," aniya.
Binigyang-diin din niya na kailangang linawin kung sino ang sasagot sa mawawalang kita kapag tuluyang inalis ang system loss charge.
"It is not a small matter… So, who's going to pay for that? The industry? It's going to cost tens of billions of pesos. Will you not survive?" dagdag niya.
Maki-Balita: MVP pag inalis ang system loss charges: 'It is not a small matter, who's going to pay for that?'
Ngunit para kay Gatchalian, malinaw na hindi na dapat ipapasan sa mga mamimili ang system loss charge.
Ang system loss ay tumutukoy sa pagkawala ng bahagi ng kuryente habang ito ay ipinapadala mula sa mga planta patungo sa mga tahanan at establisimyento. Kabilang sa mga dahilan nito ang natural na pagkawala ng enerhiya sa transmission at distribution lines, gayundin ang ilegal na koneksyon at pagnanakaw ng kuryente.
Isa ang pag-alis sa system loss charge sa mga panukalang inaasahang tatalakayin ng Kongreso bilang bahagi ng planong amyendahan ang EPIRA upang mabawasan ang pasanin ng mga consumer sa tumataas na singil sa kuryente.
Maki-Balita: Pabigat sa bulsa! Magkano matitipid kung aalisin system loss charge sa electric bill?