July 30, 2026

Home BALITA National

'Di na namin problema 'yon!' Sen. Erwin, binanatan aberya ng Meralco sa jumper, system loss!

'Di na namin problema 'yon!' Sen. Erwin, binanatan aberya ng Meralco sa jumper, system loss!
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Binira ni Sen. Erwin Tulfo ang Manila Electric Company (Meralco) kaugnay sa paniningil nito sa mga consumer ng kanilang mga system loss, partikular sa kaso ng mga jumper at pagdaragdag umano ng mga tao para mabantayan ang mga nagnanakaw ng kuryente. 

Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Energy, kasama ang Committee on Public Service, Ways and Means, and Finance, nitong Huwebes, Hulyo 30, 2026, ipinaliwanag ni Meralco Senior Vice President Jose Ronald Valles na malaki raw ang gagastusin nila sa operational at capital expenses kung magiging “zero” daw ang kanilang non-technical losses. 

Aniya pa, hindi rin daw papayagan ng kanilang mga distribution utility na malugi dahil sa mga magnanakaw ng kuryente at mapipilitan umanong gumastos ng malaki ang mga ito para mabawasan o mapuksa ang kaso jumper na pangunahing nagiging sanhi ng system loss ng elektrisidad. 

“Kung gagastos po sila ng mas malaki kaysa sa mas magiging pakinabang ng costumers dito sa system loss na tanggalin natin o gawin nating zero… hindi po magiging fair sa consumers ‘yon kasi ‘yong net po na benefit, mao-offset,” katwiran pa ni Valles. 

Sa naging tugon naman ni Tulfo, idiniin niyang normal lang daw sa isang negosyo ang magka-losses at dapat umanong handa ang Meralco rito. 

National

'Taken out of context!' VP Sara, sinita news outlet dahil sa 'spliced at misleading video' tungkol sa kaniya

“Ang business, Sir, ay may mga losses. Dapat you have be prepared for that. Normal po ‘yan sa isang negosyo na magkaroon ng losses at dapat meron po kayong allowance lagi for losses,” aniya. 

Depensa ni Tulfo, naiintindihan daw niya ang ganitong mga usapin dahil may degree siya sa Business Management at binuwelta niyang bakit daw ipapasa ng naturang kompanya sa mga konsyumer ang personal na problema nito. 

“Are you saying na kailangang wala kayong losses? Ipasa ninyo sa amin? Kapag pagdaragdag ninyo ng mga tao, ipapasa, ikakarga na naman sa bill namin? Hindi naman namin problema ‘yon! Hindi na rin problema ng consumer ‘yon,” diin niya. 

Dagdag pa niya, “Magdagdag ka ng tao mo, mag-expand ka, wala kaming pakialam doon! Ang gusto lang namin, kuryente, bumibili po kami. Bumibili lang kami ng kuryente sa inyo.” 

Ani Tulfo, tila ipinapasa na lang daw lahat ng Meralco sa mga consumer ang problema nila sa non-technical losses. 

Patutsada pa ng senador, nagtayo na lang daw dapat siya ng electric company dahil napakaganda raw palang negosyo nito dahil sinisingil lang sa mga konsyumer ang kanilang losses. 

“Lahat ng lang pina-pass on. Napakagandang negosyo pala nito. Hindi ko naisip. Sana nagtayo na lang ako ng electric company rin para generation, distribution, napakasarap pala ng negosyo na ito, walang losses. Sa tao ninyo lagi sinisingil,” tirada niya. 

“Kawawa ang taumbayan. Sir, hindi po tayo mayaman na bansa,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Pabigat sa bulsa! Magkano matitipid kung aalisin system loss charge sa electric bill?

KAUGNAY NA BALITA: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente