July 31, 2026

Home BALITA Metro

Las Piñas NHS, kinumpirma nangyaring saksakan sa paaralan; 1 patay!

Las Piñas NHS, kinumpirma nangyaring saksakan sa paaralan; 1 patay!
Photo courtesy: Unsplash

Naglabas ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Las Piñas National High School (LPNHS) kasunod ng insidente ng karahasan na kinasangkutan ng ilang mag-aaral sa loob ng paaralan nitong Hulyo 31.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng LPNHS na ikinalulungkot nila ang nangyaring insidente sa kabila ng ipinatutupad na mga hakbang para sa kaligtasan at seguridad sa loob ng paaralan.

"Sa kabila ng mahigpit na mga patakaran sa kaligtasan at seguridad, ikinalulungkot naming ipinahahayag ang insidente ng karahasan sa pagitan ng mag-aaral ng Las Piñas National High School (LPNHS) ngayong ika-31 ng Hulyo, 2026,” anang paaralan.

Ayon sa paaralan, agad silang nakipag-ugnayan at nakipagtulungan sa mga kinauukulang awtoridad upang matiyak na maayos na maisasagawa ang imbestigasyon alinsunod sa umiiral na mga proseso at alituntunin.

Kasabay nito, nanawagan ang administrasyon sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Metro

‘Fusion Alley’ sa Maynila, paspasang nilinis!

"Habang nasa proseso ng wastong imbestigasyon, hinihiling namin sa publiko na maging maingat at mapanagutan sa paggamit ng social media at iwasan ang pagpapakalat ng mga sensitibo at di-beripikadong impormasyon, larawan, o video na maaaring makasagabal sa imbestigasyon at/o makadagdag ng pagdurusa sa mga sangkot at kanilang mga pamilya,” saad pa nila.

Binigyang-diin din ng LPNHS ang kahalagahan ng pagtutulungan ng tahanan, paaralan, at komunidad upang mahubog ang mga mag-aaral na may disiplina, paggalang sa kapwa, at pananagutan.

Dagdag pa ng pamunuan, handa ang paaralan na tugunan ang emosyonal at sikolohikal na pangangailangan ng mga apektadong mag-aaral, guro, at kawani sa pamamagitan ng iba't ibang intervention programs.

"Handa ang aming paaralan upang suportahan ang emosyonal at sikolohikal na mga pangangailangan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani. Isasagawa ng paaralan ang Psychological First Aid (PFA), psychosocial support, at iba pang kaukulang interbensyon,” giit ng paaralan.

Sa huli, tiniyak ng LPNHS na nananatili ang kanilang pangako na mapanatili ang isang ligtas at mapayapang kapaligiran para sa buong komunidad ng paaralan.

"Sa gitna ng matinding pagsubok na ito, nananatiling matatag ang LPNHS higit lalo sa aming dedikasyon na pangalagaan ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng bawat mag-aaral, guro, at kawani,” anila pa.