Ngayong Lunes, Hulyo 27, 2026, ipinagdiriwang ang ika-112 na anibersaryo ng pagkakatatag ng isa sa mga pinakamalaking religious group sa bansa na Iglesia Ni Cristo (INC).
Kamakailang pumukaw sa atensyon ng publiko ang INC dahil sa ikinasa nilang rally mula noong Hunyo 30 hanggang Hulyo 1 sa EDSA People Power Monument sa Quezon City at Hulyo 3 naman sa Liwasang Bonifacio, Manila.
Bago nito, matatandaan ding nagkasa ng tatlong araw na malawakang kilos-protesta ang INC sa Quirino Grandstand, Manila, mula noong Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 18, 2025, para sa panawagan nilang “Transparency and a Better Democracy.”
Sa kasalukuyan, tumatayo bilang Executive Minister ng INC si Ginoong Eduardo Manalo mula pa man noong Setyembre 2009.
Ngunit kailan nga ba nagsimulang umusbong ang INC at paano ito lumaganap hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang mga bansa sa mundo?
Batay sa kasaysayan ng INC na nakalimbag sa kanilang website, mababasang nagsimula itong mabuo noong Hulyo 27, 1914, eksaktong 112 taon na ang nakalipas sa pangunguna ni Ka Felix Manalo.
KAUGNAY NA BALITA: #BALITAnaw: Ang ika-140 anibersaryo ng kapanganakan ni Felix Manalo ng INC
Unang itinayo ang local congregation ng INC sa Punta, Sta. Ana, Manila, at mabilis umanong lumaganap sa Maynila at maging sa karatig nitong mga probinsya sa Luzon, hanggang sa makatawid sa Visayas at Mindanao.
Anila, matagumpay na rin umanong nakapagtayo ng simbahan ang INC sa mahigit kalahating mga distrito sa buong bansa bago pa man pumanaw si Ka Felix noong Abril 12, 1963.
Dagdag pa nila, matagumpay na nakapagtayo ng simbahan ang INC sa ibang bansa, partikular sa Honolulu, Hawaii, at San Francisco, California sa United States (US) noong 1068 sa pamumuno ni dating Executive Minister Ka Eraño Manalo, na siyang ama ni Ka Eduardo.
“Thus began the Church's expansion in the Far West and eventually around the world,” saad nila.
Pagbibida nila, naging mas matayog ang pagtatayo nila ng kanilang mga simbahan sa pagitan ng mga taon noong 1970’s, kung saan nabuo ang kanilang mga local congregation at group worship services (GWS) sa New York at Guam (1969), Canada (1971) sa Europa partikular sa London (1972), Australia sa pagitan noong 70’s, Hongkong, China (1974), Thailand (1976), Japan (1977), at sa Nigeria at iba pang bansa sa South Africa noong 1978.
Dagdag pa nila, “By the end of the '80s, there were local congregations and GWS in the Scandinavian countries and their neighbors.”
Pagpapatuloy nila, nakapagtayo rin umano ng local congregation ang INC sa Latin America sa Guantanamo Bay, Cuba noong 1990, at sa mga bansang talamak ang Kristiyanismo, halimbawa sa Rome, Italy noong Hulyo 27, 1994, Jerusalem, Israel noong Marso 31, 1996, at Athens, Greece noong Mayo 10, 1997.
Ganoon umano sa Brazil at Peru bago pa man daw pumanaw si Ka Eraño noong Agosto 31, 2009.
Sa kasalukuyan, sa ilalim ng pamumuno ni Ka Eduardo, anak ni Ka Eraño, nananatili pa ring masigla at progresibo ang INC upang palaganapin, hindi lang sa bansa, kundi sa buong mundo ang kanilang mga paniniwala at relihiyon.
“Through the leadership of its present Executive Minister, Brother Eduardo V. Manalo, the Church continues to progress and succeed. Its membership has been constantly increasing,” anila.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2020, na ibinahagi rin ng INC sa kanilang Facebook page sa pagdiriwang nila ng kanilang ika-111 founding anniversary noong 2025, aabot na umano sa kabuuang 2,806,524 ang bilang ng mga opisyal na miyembro ng kanilang relihiyon, at maituturing itong 2.6% ng buong populasyon sa Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: INC, nagtataka bakit kakasuhan si Marcoleta