Naglabas ng pahayag ang Iglesia Ni Cristo (INC) para tutulan ang nakatakdang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta kaugnay sa umano’y tinanggap nitong ₱75-million campaign donation noong 2025 elections.
Sa pahayag na binasa ni INC Spokesperson Edwil Zabala nitong Martes, Hunyo 30, nagtataka umano sila kung bakit kakasuhan si Marcoleta gayong ito ang nagsiwalat ng mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Matatandaang bago tuluyang palitan ni Sen. Ping Lacson noong Setyembre 2025, nagsilbing chairman si Marcoleta ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Ang pinagtatakaka namin ay kung bakit siya na nagsusulong sa pag-expose ng mga sangkot sa napakalaking pagnanakaw sa Pilipinas ang kakasuhan at ipakukulong sa halip na ang mga na-expose. Ang ikinakaso kay Sen. Marcoleta ay plunder, na isang non-bailable crime,” saad ni Zabala.
Dagdag pa niya “Ipapakulong siya at hindi pwedeng magpiyansa hangga't hindi natatapos ang paglilitis sa kaniya. Sa madaling salita ay hindi na niya maitutuloy ang paglalantad o page-expose sa mga pandarambong na naganap.”
Bukod dito, kinuwesityon din ng INC Spokesperson kung bakit plunder ang ikakasao kay Marcoleta samantalang hindi naman umano galing sa kaban ng bayan ang perang tinanggap nito.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong Lunes, Hunyo 29, makakasuhan din ang tatlong iba pang nagbigay ng campaign donation kay Marcoleta kasama na si dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor.
Maki-Balita: Ang kasalanan ko lang ay paglingkuran kayo—Marcoleta