Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang naiulat na umano'y sexual harassment na kinasasangkutan ng anim na guro at mga estudyante ng mga ito sa isang paaralan sa Bacoor, Cavite.

Sa pahayag ni DepEd Spokesman Michael Poa, ang kanilang hakbang ay tugon sa viral na social media post kaugnay ng naranasang umano'y pangha-harass ng mga guro sa kanilang estudyante sa Bacoor National High School.

"Upon inquiry, I was informed that the Schools Division Office (SDO) was made aware of these allegations of sexual harassment last week and that an investigation has already started and is currently underway," aniya.

Binanggit ni Poa, anim na guro ang binabanggit sa Twitter post. Ang mga ito aniya ay hindi na muna binigyan ng teaching load at sila ay nasa "floating status."

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

"We will continue to coordinate with the SDO and the Regional Office concerned. We have zero-tolerance for any form of abuse in our schools," pagbibigay-diin ni Poa.

Gayunman, hindi na muna isinasapublikong DepEd ang pagkakakilanlan ng anim na guro hangga't hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa usapin.

Ayon kay Poa, nakapaloob sa naturang social media post ang screenshots ng pag-uusap sa Messenger kung saan napansin angmahahalay na komento ang mga guro sa kanilang estudyante.

Nanawagan din ang DepEd sa mga estudyante na nakaranas ng sexual harassment sa kanilang guro na maghain ng pormal na reklamo sa child protection committee ng kanilang eskuwelahan upang mabigyan ng aksyon.