Posibleng mag-lockdown ang Negros Occidental kasunod na rin ng pagkumpirma ng Department of Health (DOH) na nahawaan na ng monkeypox virus ang Iloilo na katabi lamang ng lalawigan.
Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Provincial Health officer Dr. Ernell Tumimbang, ang ikaapat na kaso ng monkeypox sa bansa ay natukoy sa isang residente ng isang bayan sa Iloilo.
Aniya, malaki ang posibilidad na higpitan ng lalawigan ang kanilang daungan, katulad ng nangyari sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) upang ma-monitor ang mga barkong nanggagaling sa Iloilo.
Ayon sa DOH, isang 25-anyos ang natukoy na pasyente na nagtatrabaho sa Iloilo City.
Walang travel history ang naturang pasyente na naka-isolate habang ginagamot sa isang ospital sa lalawigan.
Nagsasagawa na ng contact tracing ang DOH sa 14 na nakasalamuha ng pasyente
Kaugnay nito, nanawagan si Negros Occidental Governor Bong Lacson sa publiko na maging maingat at sumunod sa safety and health protocols upang hindi makapasok sa lalawigan ang monkeypox.
“I don’t want to say we’re prepared because it’s like we are expecting it. We are hoping that it won’t happen but just the same, the protocol is the same as that of Covid-19. I hope it does not happen here in Negros but let us continue to be vigilant,” dagdag pa nito.