August 02, 2026

Home FEATURES Human-Interest

'Life lessons' na natututuhanan mula sa babaeng kapatid

'Life lessons' na natututuhanan mula sa babaeng kapatid
Photo courtesy: Unsplash

Para sa mga may kapatid, naiipon na ang kanilang “core memories” bago pa man sila magsimulang lumabas at makipagsapalaran sa mundo dahil sa mga alaalang nabubuo sa loob pa lamang ng pamilya. 

Minsan masasayang alaala ito ng mga paglalaro o kaya’y kapilyuhan sa mga magulang o iba pang mga nakatatanda sa pamilya. 

May mga pagkakataon namang nakakainis na mga alaala mula sa pag-aaway na nauuwi sa iyakan at sakitan. 

Kadalasan ang core memories na ito ang mas tumatatak at pinagtatawanan kalalunan pagtanda ng magkapatid. 

Ayon sa pag-aaral ng Psychology Today, ang relasyon sa mga kapatid ay itinuturing na pinakamahabang relasyon sa buhay ng isang tao dahil ang magkakapatid ay kadalasang lumalaki nang magkasama sa iisang bahay at pamilya, gayundin ang halos iisang experiences na kanilang dinaranas at nakikita. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Business owner, pinakain nagugutom na bata; kinaantigan!

Dagdag pa rito, ang pagkakaroon ng kapatid ay nakaaapekto sa social skills ng isang bata, na kalauna’y nakatutulong sa pakikisalamuha sa ibang tao at pagbuo ng koneksyon sa mga ito. 

Bukod dito, partikular na binabanggit sa ilang pag-aaral na ang pagkakaroon ng babaeng kapatid ay nagsisilbing “mental health boost” dahil sa kakayahan nilang magpataas ng kumpiyansa sa sarili at pagprotekta nila sa kanilang kapatid mula sa kalungkutan at pagkabalisa. 

Isa pa, ang pagkakaroon ng babaeng kapatid ay tumutulong sa isang indibidwal na mas maging mabuting tao at mapagbigay dahil sa kakaiba nilang paraan na magpahayag ng pagmamahal. 

Dahil sa mga epektong ito na dulot ng pagkakaroon ng kapatid, partikular ng kapatid na babae, narito ang “life lessons” na kadalasang natututuhan ng marami mula sa kanila: 

Pagiging  “Boyfriend/Husband Material” 

Partikular sa kalalakihan, ang pagkakaroon ng kapatid na babae ay tila isang araw-araw na “tutoring” session kung paano magiging mabuting lalaki para sa natitipuhang babae. 

Mula sa “text/chat etiquette,” “dating tips,” hanggang sa kung paano itatrato nang maayos ang natitipuhan, nagsisilbing paalala ang mga kapatid na babae upang itrato ng kanilang kapatid nang maayos ang minamahal para sa maayos at matatag na relasyon.

Pagiging “Active Listener” 

Bilang babae, kilala ang mga ito sa pagiging “expressive” sa kanilang nararamdaman at naiisip. 

Dahil dito, natuturuan nila ang kanilang mga kapatid na aktibong makinig sa bawat detalye ng kanilang mga kuwento. 

Kasama rin dito ay ang pasensyang kinakailangan upang intindihin ang kuwento gaano man ito kahaba. 

Pagtayo sa sariling mga paa

Kadalasang nauuwi sa away ang pagsita ng mga kapatid na babae sa bawat kilos ng iba nilang kapatid. 

Sa likod ng istriktong pakikisamang ito, ipinahahayag ng maraming kapatid na babae ang kagustuhan nilang matuto ang ibang kapatid na gawing maayos ang mga bagay-bagay upang makatayo sila sa sariling mga paa at hindi umasa sa iba. 

Pagpupursige sa buhay

Kasunod ng pagtayo sa sariling mga paa, itinuturo ng maraming kapatid na babae na ang pagpupursige at pagsusumikap ay susi sa maginhawang buhay. 

Ang mga aral na ibinabahagi ng mga ito sa pagsusumikap ay mga karanasang natutunan nito sa pagharap sa mga pagsubok sa reyalidad. 

Maayos na pagpapaalam at pagbabalik ng mga gamit

Panghuli, kilala dahil sa kanilang aparador na puno ng mga damit at vanity table na nag-uumapaw sa make-up at skincare na mga produkto, nasusubok ang mga kapatid na manghiram at magpahiram sa mga ito. Minsan nga lang, marahas na natututunan ng mga kapatid na maging maayos sa hiniram na gamit kung ito ay nasira o hindi naibalik agad dahil sa sasalubong na katakot-takot na sermon galing sa kapatid nilang babae.