Naniniwala si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na mananaig pa rin ang ang pagpapatupad ng ₱P85 na umento sa minimum na sahod sa Metro Manila, sa kabila ng temporary restraining order (TRO) ng korte laban sa pagpapatupad nito.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, Agosto 2, 2026, iginiit ni Tolentino na ang umiiral na batas at ang Saligang Batas ang magiging batayan sa pagresolba sa usapin.
"The rule of law will prevail here. The Constitution will prevail," ani Tolentino.
Noong Hulyo 30, nagpalabas ang Pasig Regional Trial Court (RTC) ng TRO matapos magsampa ng petisyon para sa declaratory relief ang dalawang construction company na kumukuwestiyon sa National Capital Region (NCR) Wage Order No. 27.
Ang wage order na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ay nagtatakda ng ₱85 na dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa pribadong sektor sa Metro Manila.
Ipinatupad ang unang bugso na ₱60 noong Hulyo 25, habang nakatakda namang ipatupad sa susunod ang ikalawang bugso na ₱25.
Nilinaw rin ng kalihim na ang mga employer ay nananatiling obligadong ibigay ang mga salary increase na naipon na ng mga manggagawa bago pa magkabisa ang TRO.
Binigyang-diin din ni Tolentino ang probisyon ng Article XIII, Section 3 ng 1987 Constitution na nagsasaad na dapat bigyan ng ganap na proteksyon ng estado ang mga manggagawa.
"I believe Article XIII, Section 3 of the Philippine Constitution will prevail. I believe the court will recognize the primacy of the law," dagdag pa niya.
Hinimok din ng kalihim ang publiko, partikular ang mga manggagawa, na manatiling kalmado habang dinidinig ng korte ang kaso.
"To [the public], let us remain calm. The law, especially the Constitution, must prevail. Your government will not abandon you, especially when it comes to the welfare of our workers," ani Tolentino.
Nakatakdang dinggin ng korte ang kaso ngayong Agosto 3, kung saan inaasahang tatalakayin ang legalidad ng wage order at ang ipinalabas na TRO.