August 02, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Utos ng ERC! Paano isasauli ng Meralco ang ₱9.5B sa higit 8 milyong customers?

Utos ng ERC! Paano isasauli ng Meralco ang ₱9.5B sa higit 8 milyong customers?
Mb File Photo

Maituturing na magandang balita para sa mga customer ng Manila Electric Company o Meralco ang balitang hindi man cash payout, unti-unting babalik sa kanilang bulsa ang bahagi ng sobra umanong nasingil sa konsumo ng kuryente sa loob ng nakalipas na mga taon.

Ito ay matapos atasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na isauli ang ₱9.5 bilyon sa mahigit 8 milyong customers dahil sa tinatawag na "overrecoveries" o mga halagang nasingil na wala umanong kaukulang awtorisasyon.

Hindi kailangang mag-apply o pumunta sa alinmang tanggapan ng Meralco para makuha ang refund, dahil hindi ito ibibigay ng cash.

Sa halip, awtomatikong ibabawas ito sa buwanang electric bill ng mga customer.

Ayon sa ERC, ipatutupad ang refund sa loob ng anim na buwan, o hanggang sa tuluyang maibalik ang kabuuang ₱9,506,566,556.

Human-Interest

First time sa hiking? Mga terminong dapat malaman sa pag-akyat ng bundok

Para sa lahat ng customer classes, ang refund ay katumbas ng ₱0.3448 bawat kilowatt-hour (kWh).

Ngunit mas mataas ang refund na matatanggap ng mga residential customer.

Ayon sa ERC, makikinabang ang mga kabahayan sa refund na ₱0.5861 kada kWh.

Halimbawa: Kung ang isang pamilya ay gumagamit ng 200 kWh kada buwan, aabot sa humigit-kumulang ₱117.22 ang mababawas sa kanilang electric bill.

Mas mataas naman ang matatanggap na refund ng mga bahay na mas malaki ang konsumo ng kuryente.

Bakit kailangang magsauli ang Meralco?

Sa 28-pahinang desisyon ng ERC na inilabas noong Hulyo 21, sinabi nitong ang ₱9.5 bilyon ay tumutukoy sa overrecoveries—mga halagang nakolekta ng Meralco mula sa mga consumer na hindi umano pinahihintulutan sa ilalim ng umiiral na regulasyon.

Dahil dito, iniutos ng komisyon na ibalik ang buong halaga sa mga customer sa pamamagitan ng bawas sa mga susunod na billing.

Kailan mararamdaman ang bawas?

Kapag naipatupad ang kautusan ng ERC, makikita ng mga consumer ang refund bilang credit o bawas sa kanilang buwanang electric bill.

Sa halip na isang bagsakang refund, hahatiin ito sa loob ng anim na buwan upang unti-unting maibalik ang kabuuang halaga sa lahat ng kwalipikadong customer.

Dumarating ang refund sa panahong mainit ang usapin tungkol sa mataas na singil sa kuryente, lalo na matapos ipanawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagrepaso sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at ang planong alisin ang system loss charge na ipinapasa sa mga consumer.

Bagama't hindi tuluyang magpapababa sa presyo ng kuryente ang refund, inaasahan itong magbibigay ng kaunting ginhawa sa milyun-milyong pamilyang patuloy na humaharap sa tumataas na gastusin.

Maki-Balita: Meralco inutusan ng ERC, isauli ang ₱9.5B sa higit 8 milyong consumers!