Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na i-refund sa mga consumer ang humigit-kumulang ₱9.5 bilyon matapos matuklasang may mga halagang nasingil na hindi awtorisado o tinatawag na "overrecoveries."
Batay sa 28-pahinang desisyon ng ERC na inilabas noong Hulyo 21, 2026, dapat ibalik ng Meralco ang kabuuang ₱9,506,566,556** sa mahigit 8 milyong customers nito.
Ayon sa komisyon, ang refund ay ipatutupad sa pamamagitan ng bawas sa singil sa kuryente na katumbas ng average refund rate na ₱0.3448 bawat kilowatt-hour (kWh) para sa lahat ng customer classes.
Mas malaki naman ang matatanggap na refund ng mga residential customer, na aabot sa ₱0.5861 kada kWh.
Dahil dito, ang isang karaniwang kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh bawat buwan ay maaaring makakita ng humigit-kumulang ₱117.22 na bawas sa kanilang electric bill.
Sa desisyon ng ERC, sinabi nitong ang halaga ng refund ay tumutukoy sa mga singil na ipinataw ng Meralco sa mga consumer na wala umanong kaukulang pahintulot.
"The refund scheme and implementation period shall be within six (6) months or until such time that the amount of over recovery shall have been fully refunded to its customers," ayon sa desisyon ng ERC.
Ipinag-utos din ng komisyon na ipatupad ang refund sa loob ng anim na buwan, o hanggang sa ganap na maibalik sa mga customer ang kabuuang halaga ng overrecoveries.
Ang hakbang ng ERC ay inaasahang magbibigay ng pansamantalang ginhawa sa milyon-milyong consumer sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa mga pangunahing bilihin at iba pang bayarin.
Matatandaang pinagtatalunan din kung maisasakatuparan na ang pagtanggal sa system loss charges, batay na rin sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), na huwag ipatong sa balikat ng mga ordinaryong mamamayan ang losses na ito.
Maki-Balita: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente
Noong Huwebes, Hulyo 30, nagsagawa na rin ng hearing ang Senate Committee on Energy tungkol dito, sa pangunguna ni Sen. Erwin Tulfo, kung saan binanatan niya ang mga distributor tungkol sa losses.
Maki-Balita: Pabigat sa bulsa! Magkano matitipid kung aalisin system loss charge sa electric bill?
Maki-Balita: 'Di na namin problema 'yon!' Sen. Erwin, binanatan aberya ng Meralco sa jumper, system loss!