August 01, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Isa ka rin ba sa nalilito sa pinagkaiba ng wika at diyalekto?

Isa ka rin ba sa nalilito sa pinagkaiba ng wika at diyalekto?
Photo courtesy: AI-generated image

"Diyalekto lang ba ang Bisaya?" "Pareho lang ba ang Ilocano at Tagalog?" "Ilang diyalekto ba ang mayroon sa Pilipinas?"

Ito ang ilan sa mga tanong na paulit-ulit na lumilitaw sa social media, silid-aralan, at maging sa pang-araw-araw na usapan. Hanggang ngayon, marami pa ring mga Pilipino ang gumagamit ng salitang "diyalekto" kapag tinutukoy ang Cebuano, Ilocano, Waray, Kapampangan, at iba pang katutubong wika sa bansa.

Pero kung tutuusin, mali 'yan!

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa paliwanag ng Tagapangulo at Punong Komisyoner nitong si Atty. Marites Barrios-Taran noong 2025, karaniwang maling pananaw ito.

ANO NGA BA ANG WIKA?

Mga Pagdiriwang

Kasaysayan ng pinagmulan, paglaganap ng Iglesia ni Cristo!

Ayon sa KWF, ang wika ay tumutukoy sa láwas ng mga salita at iba pang sangkap na pinagagana ng mga tuntunin upang magamit sa pakikipagtalastasan.

Sa madaling salita, ang wika ay isang kompletong sistema ng daluyan o midyum ng komunikasyon na may sariling talasalitaan o bokabularyo, balarila o gramatika, at estruktura.

Sa Pilipinas, batay sa ulat ng KWF noong 2025, tinatayang 135 ang mga buhay na wika na ginagamit sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Kabilang dito ang:

- Tagalog
- Cebuano
- Ilocano
- Waray
- Kapampangan
- Pangasinan
- Hiligaynon
- Bikol/Bikolano
- Tausug
- Maranao
- Filipino Sign Language
- iba pa

Ibig sabihin, hindi diyalekto ang Cebuano, Ilocano, o Waray. Mga ganap na wika ang mga ito.

ANO NAMAN ANG DIYALEKTO O WIKAIN?

Dito madalas nagkakaroon ng kalituhan.

Ang diyalekto ay barayti lamang ng isang wika na ginagamit sa isang partikular na lugar. Halimbawa, ang Tagalog ay malawakang ginagamit na wika sa Pilipinas lalo na sa mga lalawigan sa Luzon. Ginagamit ito sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Nueva Ecija, Tarlac, Bataan, at Quezon.

Lahat sila ay Tagalog pa rin, ngunit may kaunting pagkakaiba sa punto o tinatawag na "idyolekto," bigkas, at ilang salitang ginagamit. Kaya ang diyalekto ay kung paano gagamitin at sinasalita ang wikang Tagalog sa mga nabanggit na lugar. Kaya ang mga diyaleto ay Tagalog-Maynila, Tagalog-Bulacan, Tagalog-Rizal, Tagalog-Cavite, Tagalog-Laguna, Tagalog-Batangas, Tagalog-Nueva Ecija, Tagalog-Tarlac, Tagalog-Bataan, at Tagalog-Quezon.

Dahil parehong wikang Tagalog ang ginagamit ng isang Manileño at Bulakeño, magkakaintindihan sila. Pero minsan, may mga salitang Tagalog sa Bulacan na iba ang kahulugan sa Tagalog sa Maynila. Madalas gamitin ng mga guro ang pangungusap na "Pakiurong ang mga plato" na ang ibig sabihin sa Maynila ay "pakiusog lang ang plato," pero kapag sinabi sa Bulacan iyan, ang ibig sabihin ay "hugasan ang plato." Kaya may mababasag na plato o pinggan kapag hindi nagkaintindihan.

Isang sitwasyong madalas mangyari: Isipin ang isang estudyanteng lumipat mula sa Laguna patungong Batangas. Pareho silang nagsasalita ng Tagalog ng mga makakausap niya roon, ngunit napansin niyang may mga salitang kakaiba sa kaniyang pandinig. Sa Batangas, karaniwan niyang marinig ang mga salitang "gaano ga," "ala eh," o "bakit ga?"

Sa Laguna naman, hindi gaanong ginagamit ang mga salitang ito.

Isa pang halimbawa, Sa Tagalog-Cavite, madalas nilang nilalagyan ng "na" ang mga pandiwa o salitang-kilos, halimbawa, "Natakbo ang bata," "Naulan na, silong na!" o kaya naman ay "Nakain ka na ba?" na kung gagamitin naman sa Tagalog-Maynila, pihadong may mapapangiti lalo na kung "green-minded."

Sa malaking lalawigan naman ng Rizal, nagkakaiba-iba rin sa paggamit ng wikang Tagalog. Sa Tagalog-Morong, Rizal, ang letrang "d" ay napapalitan nila ng letrang "r." Halimbawa: Ang sanrok ay nakasabit sa ringring (Ang sandok ay nakasabit sa dingding).

Sa Tagalog-Angono, Rizal naman, nagiging "Bang" ang "Ang). Halimbawa: "Bang laki, bang ganda!" sa halip na "Ang laki, ang ganda!"

Sa Tagalog-Taytay, Rizal naman, ang mga salitang nagwawakas sa letrang "n" at nagiging "ng." Halimbawa, "Kapag kumakain lagi ng mamong (mamon), nakakasawa namang (namang), kaya ayos din ang tinapay na may palamang (palaman)."

Para sa mas simpleng paliwanag, tandaan: 

Wika- Tagalog

Diyalekto- Tagalog-Maynila, Tagalog-Bulacan, Tagalog-Rizal, Tagalog-Cavite, Tagalog-Laguna, Tagalog-Batangas, Tagalog-Nueva Ecija, Tagalog-Tarlac, Tagalog-Bataan, at Tagalog-Quezon

Wika- Bisayà/Binisayâ o Cebuano

Diyalekto- Katimugang Leyte Binisayâ, Binul-anong Binisayâ, Negrenseng Binisayâ, Binisayáng Siquijor, Binisayáng Mindanaw, at Masbatenyong Binisayâ

(Sanggunian: KWF Repositoryo)

Sa pagtatapos ng panayam kay Taran noon, nanawagan siya sa lahat ng mga Pilipino, lalo na sa mga magulang, na ugaliing kausapin ang mga anak sa wikang Filipino at sa kani-kanilang mga katutubong wika.

“Wala pong ibang magmamahal sa ating wika kung hindi tayo,” giit niya.

“Kung hindi po natin ginagamit iyan, ‘yan po ay maglalaho. Ang ating wika ay isang instrumento na nagbibigkis sa atin bilang isang bayan at ito po ay dapat nating payabungin,” dagdag pa niya.