August 01, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: 'Batas sa Sariling Wika' na isinusulong ni Rep. Chel noon pang Agosto 2025!

BALITAnaw: 'Batas sa Sariling Wika' na isinusulong ni Rep. Chel noon pang Agosto 2025!
Photo courtesy: HOR

Humigit-kumulang isang taon na ang lumipas, inihayag ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa Kamara noong Agosto 18, 2025, ang hangarin niyang pagsusulong sa House Bill No. 3863 o mas kilala rin bilang “Batas sa Sariling Wika.” 

Ani Diokno, matagal na raw nananatiling nasa wikang banyaga o malayo sa karaniwang wika ng mga mamamayang Pilipino ang paraan ng pagkakasulat ng mga batas sa bansa. 

Diin niya, marami raw mga ordinaryong mamamayan ang maituturing na hindi bihasa sa Ingles at nakakaintindi sa batas, bagay na mas lalo pa raw nakakapagpadehado  sa kanila kasabay ng suliranin sa pinansyal. 

Idagdag pa umano kawalan ng sapat na kamalayan ng marami tungkol sa pag-aasikaso ng mga legal na dokumento, partikular sa pagwawasto sa birth certificate, pagsuporta ng mga magulang sa anak, at mga batas na sumusuporta sa mga manggagawa dahil nakasulat daw sa Ingles ang mga ito. 

“Ang kakulangan ng sapat at malinaw na kaalaman ukol sa batas ay isang hadlang sa pagkakamit ng katarungan,” diin niya. 

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang mga 'pinaka' sa kasaysayan ng SONA sa Pilipinas

Pagkukumpara ni Diokno, ang mga karatig-bansa raw, partikular ng Indonesia, Thailand, Vietnam, Cambodia, Laos, Myanmar, at Timor-Leste, ay mayroong batas na nakasulat sa mga sari-sarili nilang mga pambansang wika. 

“Ipinapakita nito na posible ang paggamit ng sariling wika sa pagsulat ng mga batas. Sa ganitong paraan, mas napapalapit sa mamamayan ang katarungan at napapalalim ang kanilang kaalaman sa kanilang mga karapatan at pananagutan,” aniya. 

Dahil dito, mariin noong isinulong ni Diokno ang “Batas sa Sarili Wika” bilang hakbang sa paglalayong maisalin o maisulat sa wikang Filipino, partikular sa mga rehiyonal wikang Tagalog, Bisaya, Ilokano, at Cebuano, na siyang apat na pinakamalalaking ginagamit na wika ng mga Pilipino sa bansa batay sa Philippine Statistics Authority (PSA). 

Ngunit ano nga ba ang mga nakahandang hakbang sakaling maipasa ang naturang batas: 

Ani Diokno, nilalayon daw nitong susugan ang ilang probisyong Executive Order 292 o ng Revised Administrative Code of 1987 na maaaring makapag-utos sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na isalin sa mga wikang Tagalog, Bisaya, at Ilokano ang maipapasa raw sa hinaharap na batas kaugnay sa pagpapataw ng parusa. 

Dagdag pa ni Diokno, maaari din daw atasan ng naturang batas ang KWF na isalin sa loob ng limang taon ang mga kasalukuyan nang umiiral na batas na may kaugnayan sa pagpapataw ng parusa sa mga nabanggit na rehiyonal na wika. 

Pangatlo, bukod sa mga naunang nabanggit na wika, nilalayon din daw ng naturang panukala na maisalin sa iba pang mga katutubong wika ang mga batas na may kaugnayan sa pagpapataw ng parusa. 

At panghuli, batay kay Diokno, ang pag-uutos sa Presidential Communications Office (PCO) na ilathala sa Office Gazette ang mga mga maisasaling batas. 

Ang punto, sa muling pagsapit ng selebrasyon ng Buwan ng Wika ngayong Agosto 2026, tila hindi pa rin nakalilimot si Diokno at muli siyang naglabas ng pahayag sa kaniyang social media accounts kaugnay sa pagsusulong ng naturang batas. 

Anang mambabatas, patuloy raw nilang isusulong ang naturang panukala, “upang gawing mas malinaw at mas madaling maunawaan ng bawat Pilipino ang mga batas na nakaaapekto sa kanilang buhay.” 

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Diokno, nais isalin sa Filipino mga batas sa Pilipinas