Viral ngayon sa social media ang kabutihang ipinamalas ng isang business owner sa Batasan Hills, Quezon City.
Sa gitna kasi ng naisin niyang kumita, hindi siya nagdalawang-isip na pakainin ang isang batang nagugutom!
Sa isang viral TikTok video na ini-upload ni MB Dhei, makikita ang pagpapabalik-balik ng bata sa kanilang lugawan.
Noong una, tinanong nito ang isang customer kung mayroon itong barya, kasunod ang pagtatanong sa may-ari kung mayroon ba silang “plain lugaw.”
Sumagot naman ang may-ari na mayroon, at sinabing nagkakahalaga ito ng ₱25.
Lumabas ang bata matapos malaman ang presyo ng lugaw, at muling bumalik upang magtanong sa iba pang customer kung mayroon din ba silang barya.
Bigo mang makahingi, lumapit ito sa may-ari at nanghingi ng ₱21 habang hawak-hawak ang ₱4 na barya, dahil nais nitong kumain ng plain lugaw.
Nang mapagtanong kulang ang pera ng bata, agad naman nila itong binigyan ng lugaw, na may kasama pang tokwa.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dhei Bernabe, sinabi niyang likas sa kaniya ang magpakain, sapagkat maging ang kaniyang mga empleyado ay libre din ang pagkain.
“Likas po sa akin ang magpakain, kasi ang mga empleyado ko din libre sila sa pagkain. Turo ng nanay ko din ang huwag maging madamot pagdating sa pagkain,” saad ni Bernabe.
Aniya, masaya siyang natulungan niya ang bata, at marami rin daw netizens ang nais magbigay ng tulong sa bata.
“Masaya ako noong napansin ng netizens at nag-trending ‘yong uploaded [video] kasi madami ang gustong tumulong sa bata kaya agad ko itong ipinaabot sa kanila ng lola niyang PWD,” aniya.
Ani Bernabe, ibinahagi niya ang kuwentong ito sa social media upang sabihing hindi ikalulugi ang minsang pagbabahagi ng kaunti sa kapwa.
“Para maibahagi ko sa tao [na] hindi natin ikakalugi ang minsang magbahagi nang kaunti. Nakasulat sa Bible, utos ng Panginoon: pakainin ang nagugutom, painumin ang nauuhaw,” ani Bernabe.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, nakatanggap na ang nasabing video ng 11.2 million views, 1.9 million hearts, 18.3k comments, at 293.2k shares.